Default Thumbnail

Pagbubukas ng Manila Zoo, iniurong sa Nobyembre 21

November 12, 2022 Edd Reyes 248 views

INIHAYAG ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na ang nakatakdang pagbubukas ng Manila Zoo sa Martes, Nobyembre 15, ay mauurong ng Nobyembre 21, 2022 upang bigyang daan ang kinakailangang panghuling paghahanda.

Ang panibagong iskedyul ng pagbubukas ng Manila Zoo ay inihayag ng alkalde sa kanyang online report na “The Capital Report” na napanood sa opisyal na Facebook page ng Manila City Hall, Biyernes ng hapon.

“Nakikiusap po ang ating mga stall owners para po lalo nilang mapaganda at mapaghandaan ang tuluyang pagbubukas ng Manila Zoo, minabuti po natin na ipagpaliban ang pagbubukas nito, isang linggo lang naman po ang inyong hihintayin,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Sinabi ng alkalde na ang pagbubukas ng Manila Zoo ay itinakda sa ganap na alas-9 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi kaya’t ang huling oras ng pagpasok ng mga magtutungo rito ay alas-6 lamang ng gabi, araw-araw.

Ang mga bata at matanda na residente ng Lungsod ng Maynila ay magbabayad ng halagang P150 bilang entrance fee at P300 naman sa mga hindi naninirahan sa lungsod habang ang mga estudyanteng taga-Manila ay may bayad lamang na P100 at P200 naman sa mga mag-aaral na hindi taga-Maynila. “Pakiusap po sa mga estudyante, pakidala lang po ang inyong student ID as proof na kayo ay estudyante,” sabi pa ng alkalde.

Idinugtong pa ng alkalde na makakatanggap pa rin ng regular na 20-porsiyentong diskuwento ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) sa mga itinakdang bayarin habang ang mga batang dalawang taon pababa ay libre na sa pagpasok sa Manila Zoo.

“Alam ko marami na pong excited, gusto ko lang pong ipaalala sa inyo mayroon na po tayong online. Online registration and purchasing of tickets will be available starting November 20, 2022 via manilazoo.ph,” sabi pa ng alkalde.

Pinaalalahanan din ni Mayor Lacuna-Pangan ang publiko na magparehistro sa online ng maaga kung mayroon na silang napiling araw o petsa na kanilang napili para bumisita sa Manila Zoo.

“Ayon po kasi kay Public Recreations Bureau, PRB, Director Pio Morabe, ang kaya lang pong i-accomodate ng Manila Zoo natin ay nasa 1,500 guest, so, kung meron na po kayong specific day na gustong dumalaw, pumasok na po kayo sa link ng manilazoo.ph,” pahayag pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE