Default Thumbnail

Pagbabakuna sa kabataan simulan na

July 29, 2021 Marlon Purification 481 views

Marlon PurificationMAHIGIT isang buwan na lang magsisimula na ang school year 2021-2022, subalit hanggang ngayon ay hindi nakalalabas ng kanilang mga bahay ang mga bata.

Bunsod pa rin ito ng mahigpit na health protocols dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Subalit marami na ang nagsusulong na dapat simulan na ang pagbabakuna sa kabataan upang mabigyan sila ng proteksyon at matiyak ang maayos nilang kalusugan.

Sinabi nga ni Senador Pia Cayetano maituturing na pagkakait ng karapatan sa mga bata na makabalik sa paaralan ang patuloy na pagtanggi ng ilang indibidwal na magpabakuna laban sa COVID-19.

Sa plenary debates sa Senado, sinabi ni Cayetano na kung darating ang panahon na may sapat nang bakuna sa bansa at marami pa rin ang tatanggi na magpabakuna ay mapipilitan siyang isulong ang panukala na limitahan ang maaaring puntahang lugar ng mga hindi bakunado.

“You are depriving our children to go to school and that is their right to go to school. It is a higher right. If you don’t want to get vaccinated, then don’t get vaccinated but you can’t go around and prevent this children to go to school,” ani ng senador.

Tiniyak ni Cayetano na ipaglalaban niya ang karapatan ng mga bata upang makabalik sa normal nilang pamumuhay.

“I will fight for that. I will fight for children. For them to be able to enjoy their life,” diin pa ni Cayetano.

Aminado naman si Cayetano na patuloy pa nilang pag-aaralan kung anong mga patakaran o regulasyon ang maaaring ipatupad upang mahiyakat ang mamamayan sa pagpapabakuna lalo na kapag may sapat nang bilang ng bakuna sa bansa.

Sinabi ni Cayetano na posibleng maging batayan sa anumang babalangkasing regulasyon ang ipinatupad ding mandatory immunication and vaccination para sa kabataan.

Maging si Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri ay nanawagan na sa InterAgency Task Force na simulan na ang pagbabakuna sa kabataan.

Sinabi ni Zubiri na dapat gayahin na rin ng Pilipinas ang ginagawa sa ibayong dagat na binabakunahan na ang kabataan para unti-unti nang makabalik sa normal ang pamumuhay.

“Lalo na sa Delta variant, ang mga bata ay tinatamaan. Sa Estados Unidos po nagsimula na sila ng pagbabakuna sa five years and above,” pahayag ni Zubiri.

“Baka pwede na natin simulan sa kabataan dahil sa study sa Delta variant pati sila tinatamaan,” dagdag pa ng senador.

Sa panig ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, sinabi nito na dapat nang buksan para sa lahat ng mga gusto ang pagpapabakuna laban sa virus.

Ito ay upang mas marami ang mabigyan ng bakuna at huwag nang hintayin pa ang mga nagdadalawang-isip na magpabakuna.

Sa privilege speech ni Zubiri, sinabi nito na batay sa kinomisyon niyang survey ng Pulse Asia, lumitaw na 46 percent ng taumbayan ang nagsabi na hindi sila lalabas ng kanilang bahay sa araw ng eleksyon kung magpapatuloy ang COVID19 pandemic.

Dapat ngayon pa lang bagama’t kapos pa tayo ng suplay ng bakuna, pag-aralan na ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga bata lalo na sa mga estudyante.

Kailangang maipakita natin na prayoridad din ng pamahalaan ang proteksyon sa itinuturing na kinabukasan ng ating bayan.