Default Thumbnail

Mahirap isara ang ekonomiya

July 29, 2021 Paul M. Gutierrez 418 views

PaulMULING nagbabala si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na hindi na kakayanin ng ekonomiya ng bansa kung muling magkakaroon ng malawakang lockdown kahit na ito’y sa loob lamang ng dalawang lingo.

Milyun-milyong piso umano ang nawawala sa bansa kada lockdown na nagdudulot sa pagsasara ng mga negosyo.

Dagdag ni Lopez na ‘manageable’ pa naman umano ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at ang kaso ng Delta variant ay kontrolado pa. Ito naman talaga ang sitwasyon sa kasalukuyan.

Tulad nang nasabi natin noong nakaraan, bagamat hindi natin minamaliit ang banta ng Delta variant ay nagagawa nating makakilos at mapagana ang ekonomiya kahit na papaano. Naniniwala tayo na may kakayahang mag-ingat ang publiko, bagaman naniniwala rin tayo na may pangangailangan na magbigay ng malinaw na direktiba dito ang gobyerno.

Nagkaisa na rin ang mga lokal na gobyerno sa Metro Manila na nakahanda silang magpatupad muli ng mas mahigpit na lockdown o bumalik sa ECQ (Enhanced Community Quarantine) KUNG makapagbibigay ng pinansiyal na ayuda ang gobyerno.

Nagpapakita na hindi naman minamaliit ng lokal na gobyerno ang Delta variant hindi na nila hihintayin na muling tumaas ang kaso ng COVID-19 lalo na’t lubhang nakakahawa ang Delta variant na siyang kinatatakutan ngayon.

Gayundin, ipinakikita nito na hindi na rin kakayanin ng pondo ng mga lokal na gobyerno na makapagbigay ng ayuda kung magkakaroon muli ng lockdown.

Kaya naman nakikita nating tama sa ngayon na isailalim ang Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ‘with heightened restrictions’ dahil sabay nitong binubuhay ang ekonomiya at binabantayan ang kalusugan ng mamamayan.

Sadyang lubhang mahirap balansehin ang ekonomiya at kalusugan ng mamamayan.

Subalit ang ginagamit na pondo para sa kalusugan ng mamayan ay mula sa ekonomiya na kung ating isasara ay tiyak na malaki ang epekto sa serbisyong pangkalusugan.

Gayundin, kapag patuloy na lumala ang ating pangkalusugang sitwasyon, maitutulak at maitutulak na muling mapunta sa lockdown ang ekonomiya.

Kaya naman alam natin hindi madali ang nagiging trabaho ng gobyerno sa kasalukuyan. Mabuti na lamang at unti-unti nang nababakunahan ang mga mamamayan at nagkakaroon na tayo ng kahit paano ay proteksiyon laban sa COVID-19.

Sa kasalukuyan ang tanging magagawa natin ay ipagpatuloy ang ekonomiya habang ating binabantayan ang kalusugan ng mamamayan.

Magpabakuna ang mga mamamayan at huwag na sanang maging ‘choosy’ kung anong bakuna ang mayroon dahil ito ang tanging proteksyon na mayroon tayo.

At dapat na ring magkaroon ng sarili (‘independent’) na pagsusuri sa sitwasyon ang ating gobyerno at tigilan na ang pakikinig (at pagsunod) sa mga sinasabi at “payo” ng mga nagmamagaling na mga ‘health and medical experts.’

Bakit kanyo? Dahil sa totoo lang, dito sa COVID-19, wala, as in, zero, ang eksperto sa virus na ito dahil ngayon lang ito nangyari sa kasaysayan ng mundo, tama ba, dear readers?

Tandaan na ang isang tawag sa COVID-19 ay ‘novel (new) coronavirus.’

Ibig sabihin? “Bagong sakit” ito at dahil sa bago, walang eksperto dito.

Dito rin sa Delta variant, bagaman nga mabilis makahawa, ang tanong, ‘lethal’ ba ito o mabilis pumatay ng kanyang biktima? Kung hindi naman pala ganito, bakit kailangang pahirapan na naman sa lockdown si Juan dela Cruz?

Bakit mistulang “tinatakot” palagi ang publiko ng mga nagmamagaling na “eksperto?”

Wasto rin ang sinasabi ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDC PH), na dapat hubaran ng IATF at gobyerno ang ‘background’ nitong mga nagpoposturang mga “eksperto” na ang karamihan ay matagal na ring kumikita sa Big Pharma!

Dapat ba kasi nating “lunukin” ang lahat ng sinasabi nitong mga “eksperto” na ang opinyon at pananaw ay nakasuporta sa interes ng Big Pharma—na siya namang gumagawa ngayon ng mga gamot laban sa COVID-19. Kumbaga, “biased opinion” ang mga ito, hindi ba?

Dapat ding tingnan kung saan nanggagaling ang “hugot” nitong mga mahilig sa lockdown—na napatunayan kahit saang panig ng mundo na mabilis magpabagsak ng ekonomiya.

Sino ba ang makikinabang sa patuloy na lugmok na ekonomiya ng Pilipinas at sa patuloy na paghihirap ng mga Pinoy?

Inuudyukan ba nila ang mga Pinoy na mag-aklas na lang at kalabanin ang gobyerno dahil hindi na nila kayang pasanin ang hirap na dulot ng walang puknat na lockdown?

Esep-esep din pag may time, mga bosing!

Abangan!

AUTHOR PROFILE