CDC Ang Clark Development Corporation (CDC), sa pangunguna ni Atty. Agnes VST Devanadera, Pangulo at Punong Tagapagpaganap (CEO) ng CDC (ikatlo mula sa kanan), kasama si Oscar Rivera, Tagapangulo ng Pinanlupuyang Mamuun CADT 025-A (IPS) (ikalawa mula sa kanan), ay pormal nang nilagdaan ang mga patakaran at alituntunin sa pakikisamang pamamahala para sa Lupaing Ninuno ng Tribong Ayta sa Clark. Kasama rin sa mga lumagda ay sina (mula kanan pakaliwa) Nicolette Henson, Direktor ng CDC; Atty. Atanacio Addog, Direktor ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region 3; Franco Madlangbayan, Administrador ng Mabalacat City; Jose Miguel de la Rosa, CDC Vice President para sa Grupo ng Administrasyon at Pananalapi; Rommel Narciso CDC Assistant Vice President para sa External Affairs; Atty. Gloria Victoria Taruc, CDC Vice President, Legal Affairs Group, at Engr. Teresito Tiotuyco, CDC Vice President, Engineering Services Group. Kuha ni Christian D Supnad

Pag-unlad ng pamumuhay ng tribong Ayta sa Clark simula na

March 20, 2024 Christian D. Supnad 70 views

NAGANAP na ang matagal nang inaayos na kasunduan ng mga kapatid nating Katutubong Ayta sa Clark at ng pamahalaan sa pamamagitan ng Clark Development Corporation (CDC) at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Pagkatapos ng mahigit na 16 taon, sa isang makasaysayang araw na ito, nilagdaan ang mga patakaran at alituntunin (Implementing Rules and Regulations) para sa pagpapatupad ng kasunduan para sa sama-samang pamamahala (Joint Management Agreement) kasama ang plano ng paggamit ng lupa (Land Use Plan) na bahagi ng plano na bumabalangkas sa lahat ng prayoridad sa pagpapaunlad at pangangalaga (Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan) ng lupaing ninuno (Ancestral Domain) sa pagitan ng pamahalaan at ng tribong Ayta.

Ang pangunahing layunin ng sama-samang pamamahala (JMA) ay upang kilalanin at itaguyod ang karapatan ng mga miyembro ng tribong Ayta tungo sa maunlad na pamumuhay ayon sa Batas Republika bilang 8371 o ang tinaguriang batas para sa karapatan ng mga katutubo (Indigenous Peoples Rights Act of 1997).

Lumagda sina Atty. Agnes VST Devanadera, CDC President and CEO, Oscar Rivera, Pinanlupuyan Mamuun ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) 025-A Indigenous Peoples Structure (IPS), at Atty. Atanasio Addog, Regional Director, National Commission on Indigenous Peoples Regional Office III.

Ang paglagda ay sinaksihan ng mga kinatawan ng pamahalaang lungsod ng Mabalacat, Pampanga, at munisipalidad ng Bamban, Tarlac kasama ang mga miyembro ng tribong Ayta, at pamunuan ng CDC.