BOC ‘Misdeclared shipment’ ng pulang sibuyas na nasabat ng BOC-MICP

P3M ‘misdeclared’ na mga sibuyas nasabat ng BOC-MICP

May 29, 2021 People's Tonight 406 views

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Manila International Container Port (MICP), ang ‘misdeclared shipment’ ng mga pulang sibuyas kamakailan, bilang bahagi na rin ng kanilang pagsusumikap na masugpo ang illegal smuggling sa bansa.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may darating na shipment ng mga ‘misdeclared’ na sibuyas mula sa bansang China kaya’t kaagad na inabangan ito.

Isinailalim nila ang shipment sa 100 percent physical examination, na sinaksihan ng mga miyembro ng CIIS Enforcement at Security Service’s Customs Anti-Illegal Drugs Taskforce, Philippine Drug Enforcement Agency at Chamber of Customs Brokers Inc.

Ang naturang shipment na naka-consign sa Potanion Trading ay orihinal na idineklara bilang yellow onions.

Ngunit nang busisiin, natuklasang 60 percent ng shipment ay naglalaman ng red onions, na tinatayang nagkakahalaga ng P3 milyon.

Kaagad namang inisyuhan ng warrant of seizure at detention ang naturang shipment dahil sa paglabag sa Section 1113 at Section 1401 ng Republic Act 10863, o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act.

Ang MICP sa ilalim ng pamumuno ni BOC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero ay nananatiling committed sa pagsugpo sa mga illegal na aktibidad ng mga taong sangkot sa smuggling.

AUTHOR PROFILE