Default Thumbnail

Pulis nabaril sariling dibdib sa inuman, patay

May 30, 2021 Melnie Ragasa-limena 397 views

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng pulisya kung may foul play sa pagkamatay ng kanilang kabaro na diumano’y nabaril ang sarili habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa loob ng isang tahanan sa Bgy. Commonwealth, Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.

Agad na binawian ng buhay ang biktimang si PCpl Higinio Wayan, 31, na nakatalaga sa Kamuning Police Station 10 (PS-10) ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Batay sa ulat, dakong alas-3:50 ng madaling araw (May 30) nang maganap ang aksidente sa loob ng isang bahay na matatagpuan sa 2nd St., Bitoon Circle, sa Bgy. Commonwealth, kung saan nag-iinuman si Wayan, kasama ang mga kapwa pulis na sina PCpl Sherwin Rebot at PCpl Harold Mendoza, at ang isang sibilyan na si Lorenzo Lapay.

Sinabi ni Lapay na nagpunta si Rebot sa palikuran at iniwanan sa ibabaw ng mesa ang kanyang Glock Caliber 40.

Pero bigla umanong kinuha ni Wayan ang baril at itinutok sa kanyang dibdib saka kinalabit ang gatilyo nito, sanhi upang tamaan siya ng bala at bawian ng buhay.

Ayon naman sa imbestigador na si PSSg Rolando Laddaran, bago ang insidente ay nagkasundo umano ang mga pulis na mag-unload ng kanilang baril dahil mag-iinuman sila.

Maaari aniyang inakala ng biktima na walang bala ang baril ni Rebot kaya ito dinampot at itinutok sa kanyang dibdib.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD kung may foul play sa nasabing insidente o di kaya naman ay aksidenteng nakalabit ng pulis ang baril na kumitil sa kaniya.