P340K shabu nakuha sa 2 babae sa QC

July 25, 2021 Melnie Ragasa-limena 93 views

ARESTADO ang dalawang babae matapos mahulihan ng P340,000 halaga ng shabu sa buy-bust sa Bgy. Greater Fairview, Quezon City, Linggo ng umaga.

Kinilala ni PLt. Col. Florian Reynado, hepe ng Fairview Police Station 5 (PS 5) ng Quezon City Police District (QCPD), ang mga suspek na sina Danniza Federizo alyas “Ate,” 30, ng 24 F. Carlos St., Royal Road, Baesa, QC at Aileen Velante, 43, ng 47 Lincoln St., SFDM, QC.

Batay sa report, dakong ala-1:30 ng madaling araw (July 25) nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng PS 5, ang mga suspek sa buy-bust sa Commonwealth Avenue, kanto ng Camaro St., sa Bgy. Greater Fairview.

Nakatanggap umano sila ng tip mula sa isang confidential informant hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t agad na nagkasa ng operasyon laban sa mga ito.

Isang pulis ang tumayong buyer at nang makabili ng P8,000 halaga ng shabu ay agad nang inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang buy-bust money, 10 sachets ng shabu na nasa 50 gramo ang timbang at nagkakahalaga ng P340,000, at cellular phone na ginagamit sa transaction.

Ang mga suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.