Bagitong pulis inakusahang nang-agaw ng misis, sugatan

July 25, 2021 Edd Reyes 105 views

SUGATAN ang isang bagitong pulis at ang 35-anyos na ginang nang abutan silang magkasama sa loob ng bahay ng pulis ding asawa ng babae Linggo ng hatinggabi sa Valenzuela City.

Pinaghahampas ng nadampot na bentilador ni P/Cpl. Robert Anthony Samson, nakatalaga sa Sub-Station 2 ng Caloocan Police at residente ng Lot 49 Blk 6 Narra St. Mayland Village, Bgy. Lingunan, Valenzuela City ang ulo ni Pat. John Carlo Mercado, 24, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion (RMFB) at residente ng 3482 Honda St. Pinagkaisahan, Makati City bago binunot ang kanyang baril at tatlong ulit na pinaputok sa kama habang paulit-ulit na pinapa-amin ang pakikipagrelasyon sa kanyang asawang si Leilanie.

Ibinaling din ng pulis ang kanyang galit sa asawa nang hampasin ng baril sa mukha at sunod-sunod na inuntog ng ulo ng ginang sa dingding ng silid habang pinapaamin din sa pakikipag-relasyon sa bagitong pulis.

Sa imbestigasyon nina P/EMS Richard Bautista, P/SSG Regie Manabat at P/SSG Laude Pillajera, dakong alas-12 ng hatinggabi nang puwersahang pumasok si Cpl. Samson sa bahay ng asawa sa 8-A Camedo St. Bgy. Pasolo bunga ng naririnig na alingasngas na may relasyon ang ginang kay Pat. Mercado.

Dito na inabutan ni Cpl. Samson ang dalawa hanggang isagawa ang pananakit at pagpapaputok ng baril na nakatawag pansin sa mga kapitbahay na kaagad namang tumawag sa pulisya.

Nagresponde kaagad ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 4 at Special Weapons and Tactics (SWAT) team na nagresulta sa pagkakadakip kay Cpl. Samson.

Nakuha sa kanya ang cal. 9mm service firearm habang isinugod kaagad ang dalawang duguang biktima sa Valenzuela City Emergency Hospital kung saan patuloy na nakaratay dito ang bagitong pulis.

Nakuha rin sa loob ng bahay ng ginang ang dalawang basyo at dalawang bala ng kalibre .9mm na baril, pati na ang isang depormadong slug.

Kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and their Children Act, frustrated murder at illegal discharge of firearm ang kasong isasampa ng pulisya laban kay Cpl. Samson sa piskalya ng Valenzuela.

AUTHOR PROFILE