Default Thumbnail

P10K taxi fare sa airport?

December 22, 2023 Allan L. Encarnacion 243 views

Allan EncarnacionHINDI ko masabi kung totoo ang nag-viral video na sumingil ng P10,000 ang isang taxi driver sa bawat pasahero niyang Taiwanese na sumakay lang mula sa NAIA 3 to NAIA 4 or domestic airport.

Agresibo ngayon ang LTFRB at LTO kasama na ang airport authority sa paghahanap sa driver na may kasama pang “back rider” na may ng hawak ng taripa ng pamasahe.

Nakausap na ng mga awtoridad ang nag-upload ng video para maimbestigahan at mapanagot ang driver pero ang katwiran niya, pinadala lang daw sa kanya ng kaibigan ng Taiwanese.

Una, hindi natin pag-aawayan na talagang may mga halimaw at balasubas na taxi driver kung overcharging sa pamasahe ang ating pinag-uusapan. Marami sila. At hindi lang ito exclusive dito sa atin, kahit saang bansa, maraming ganitong taxi drivers.

Pero iyong P10,000 each para sa wala pang 4 kilometer- ride, mukhang sobra na, over pa kung ito ay totoo.

Na-hostage pa raw ang mga pasaherong Taiwanese dahil ikinandado pa ang pinto ng taxi para hindi sila makalabas. Nagtapos umano ang negosasyon sa P5,000 each ang binayaran ng dalawang turista.

Kung minsan, gusto rin nating matiyak na hindi lang ito paraan para wasakin ang reputasyon ng bansa laban sa mga turista. Sabi nga, kailangan ay may hibla ng katotohanan ang alegasyon para hindi tayo nahuhulog sa patibong ng mga content creator.

Doon pa lang sa pagkakaroon ng “back rider” ng taxi driver ay isang big no-no at hindi pa tayo nakakita ng ganito. Sa jeep at bus lang tayo nakakakita ng konduktor pero sa taxi, kahit sa abroad at saan mang panig ng mundo, wala ito. Alam mo na agad na sindikato kapag may konduktor ang taxi na kasama ng driver.

At hello, kung ikinandado ang pinto ng taxi, nasa likod naman ang mga pasahero kaya madali lang itong mabuksan unless naka-childlocked. Pero sa kuwento, on the spot ikinandado!

Ang sabi ng airport authority at ng LTO, nahihirapan silang matukoy ang pagkakilanlan ng driver dahil unang-una, nakatalikod sa video shots.

Ito ang mas matindi, wala rin sa uploaded video ang plate number ng taxi. Kapag pinanood mo ang video, makikita mong professional shots ang pagkakakuha. Closeup ang “NAIA fare tariff” at naka-background ang driver at iyong kanyang “konduktor” habang nagnenegosasyon sila.

Hindi ko muna bibilhin ang isyung ito kung ako sa mga awtoridad bagama’t kailangan ding imbestigahan. Simple lang naman ang argumento ko rito kung talagang totoo ang alegasyon, kayang-kaya mong kunan ng video sa loob ng taxi kahit kitang-kita kayo ng dalawang alleged con artists pero hindi mo kayang kunan ang plate number pagbaba nyo?

Mas madaling mag-video sa labas, makukunan lahat ang make, model at brand ng sasakyan, kasama na ang plate number or conduction stickers pero hindi mo nagawa? Bakit kaya?

Kung usapan ng lohika ito, para sa akin, ang tingin ko rito ay pinaglalaruan ng kung sino man ang mga awtoridad sa pag-upload ng video na ang tingin natin ay fabricated.

Kailangan din nating mag-ingat, huwag tayo basta lulundag sa apoy dahil baka habang kandarapa tayo sa imbestigasyon, may mga walang magawa na nagtatawanan habang nag-iinuman with adobong kambing on the side.

[email protected]