Default Thumbnail

P.3M shabu nasabat sa 2 ‘tulak’

July 3, 2023 Edd Reyes 320 views

MAHIGIT P.3 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa dalawang pinagihinalaang tulak ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation Lunes ng umaga sa Malabon City.

Pinosasan kaagad ng mga tauhan ng Malabon Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang mga suspek na sina Arsenio Maleza, 47, ng NBBS, Tumana, Navotas City at Manuel Bedana, 53, ng Sabalo St. Brgy. 8, Caloocan City nang tanggapin ang P1,000 markadong pera na ginamit sa buy-bust operation.

Sa ulat na ipinadala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro kay Northern Police District (NPD) Director P/MGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr., sinabi ng hepe ng Malabon police na kailan lamang lumutang ang pangalan ng dalawang suspek bilang mga bagong tulak ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

Nasakote ang dalawa dakong alas-6:30 ng umaga nang makipagkita sa mga pulis na nagpanggap na buyer sa P. Aquino Landmark, Brgy. Tonsuya.

Nakumpiska sa dalawa ang humigit-kumulang sa 46.9 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P318,920.

Sinabi ni Col. Daro na iprinisinta na ang dalawa sa Malabon City Prosecutor’s Office para isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kasong pagbebenta at pag-iingat ng malaking halaga ng shabu na paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

AUTHOR PROFILE