
5 persons of interest sa pamamaril sa mediaman sa QC tukoy na ng PNP
TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang limang persons of interest sa pamamaril sa photojournalist at kaanak nito noong June 29 sa Quezon City.
Ito ang inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo batay sa kanyang pakikipag-usap kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brig. Gen. Nick Torre.
Aniya, nakausap na niya ang QCPD Director kung saan sinabi umano nito na mayroon na silang limang persons of interest at kasalukuyan nila itong pina-follow-up.
Matatandaang lulan ang biktimang si Joshua Abiad, photographer ng Remate Online kasama ang kanyang mga kaanak nang bigla silang harangin ng isang sasakyan sa Barangay Masambong at isa sa mga sakay ng sasakyan ang bumaba at pinagbabaril sila.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga suspect sa direksyon patungo sa Del Monte avenue habang isinugod naman ang anim na biktima kasama ang photojournalist sa pagamutan.
Isang bystander din ang iniulat na timamaan ng bala.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang plate number ng sasakyan ng mga suspect ay nakarehistro sa ibang sasakyan na anila’y na-traced na ng PNP.
Dahil dito, nabuo ang teyorya ng PNP na ang mga suspects sa pamamaril ay mula sa isang professional group kaya naman maingat aniya ang PNP sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa development ng kaso.
Umaasa ang PNP na maaresto ang mga suspect bago matapos ang linggo.