Guo MAYOR GUO

Mayor Guo waley na powers

May 20, 2024 Alfred P. Dalizon 107 views

Sa mga pulis

TINANGGALAN na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kapangyarihan na mamili ng kanyang hepe ng pulisya at magutos sa mga pulis na kanyang nasasakupan si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ang isinapubliko ni DILG Secretary Benjamin C. Abalos Jr. sa isang pulong-balitaan Lunes ng umaga sa Kampo Crame.

Ayon sa opisyal, si Guo ay wala ng kapangyarihang mamili ng magiging hepe ng Bamban Municipal Police Station mula sa limang kandidato na isusumite sa kanyang opisina ng Police Regional Office 3, kaugnay ng imbestigasyong isinasagawa ng pamahalaan sa kanyang pagkakasangkot diumano sa mga aktibidades ng isang iligal na Philippine offshore gaming operation (POGO) firm at major scam hub na nago-operate sa likod lamang ng munisipyo ng Bamban.

Sinabi pa ng kalihim na sa kabila ng katotohanan na walang kapangyarihan ang DILG na magpalabas ng preventive suspension, i-dismiss o i-reprimand ang isang opisyal ng lokal na pamahalaan, kanila pa ring susundin ang panawagan sa DILG ng Office of the Ombudsman na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mayor ng Bamban.

Ayon kay Abalos, ang DILG task force na nag-imbestiga sa mga aktibidades ng mayora at kanyang pagkakasangkot diumano sa iligal na POGO hub na ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong nakaraang Marso ay gumawa ng mga rekomendasyon sa tanggapan ng Ombudsman, matapos makadiskubre ng mga bagay na may “serious complications.”

“But if the Ombudsman wants it, we will file the complaint against the mayor,” sinabi ni Abalos.

Ayon sa DILG chief, ang batas ay nagsasabi na tanging ang Ombudsman at ang Sangguniang Bayan lamang ang may kapangyarihang suspendihin ang isang tiwaling opisyal. Ang Office of the President naman ay may kakayahang i-suspend ang mga city at provincial officials, dagdag pa niya.

Ngunit ngayong ang Ombudsman na ang nagsasabi na dapat nilang sampahan ng kaso si Guo, gagawin ng DILG ito, dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Abalos na tanging ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) lamang ang may otoridad na magbigay ng lisensiya sa mga POGO companies sa bansa, matapos ang isang mahabang pagsusuri.

“The DILG will just ‘subscribe to the law,’” sinabi niya nang tanungin kung ano ang stand ng DILG sa patuloy na pago-operate ng mga POGO sa bansa, habang may ilang local government units kabilang na ang Pasig City Hall ang nag-ban na ng presensiya ng mga POGO sa kanilang lugar.

Walong dayuhan at isang Pilipina ang sinampahan ng kaso bunga ng isinagawang raid noong Marso 18 sa POGO compound sa Bamban, Tarlac.

Ang mga akusado ay sinampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9208, as amended by RA No. 11862, o mas kilala bilang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2002, ng physical injuries at serious illegal detention sa Department of Justice (DOJ).

Lumabas sa imbestigasyon na ang ni-raid na POGO company na involved sa illegal online activities at iba’t ibang uri ng scams sa labas ng bansa ay nagoopisina sa iba’t ibang gusali sa isang compound na nasa likod lamang ng Bamban Municipal Hall.

Sinasabing si Guo na may-ari ng ilang mga properties sa ni-raid na POGO company ay hindi tunay na Pilipino at ngayon ay iniuugnay sa diumano’y “spying activities” sa bansa.

AUTHOR PROFILE