Default Thumbnail

Out of line ang LTO sa Comprehensive Driver’s Education

October 30, 2021 Magi Gunigundo 609 views

Magi GunigundoISANG dagdag pahirap ang pinakahuling kautusan ng LTO na kailangan sumailalim sa “Comprehensive Driver’s Education” o CDE ang lahat ng drayber na kukuha muli ng panibagong lisensya sa pagmamaneho (https://www.motopinas.com/motorcycle-news/lto-seminar-now-mandatory-for-all-driver’s-license). Ayon sa LTO , ito raw ang hinihingi ng RA 10930, na nagkabisa noon Agosto 2, 2017, na pinahaba sa limang (5) taon ang bisa ng isang driver’s license,na dati’y tatlong taon lang ang itinatagal, at sampung (10) taon ang bisa kung walang nilabag na batas trapiko ang drayber.

Nakasaad sa Seksyon 1 ng RA 10930 na ang patakaran ng Estado ay pagaanin ang pagkuha ng mga drayber ng lisensiya sa pagmananeho at magpatupad ng epektibong regulasyon sa trapiko na pabor sa taong bayan upang manatiling ligtas tayo sa sakuna sa lansangan.

Bilang isang abogado at dating mambabatas, binasa natin ang batas na sinasabi ng LTO na kanilang batayan para hingin ang CDE sa mga drayber. Walang ano mang probisyon sa RA 10930 at sa IRR nito, maging sa RA 4130, BP 398 at EO 1011 na magbibigay ng ligal na batayan sa LTO na obligahin ang mga drayber na walang demerit sa point system, na dumaan sa CDE bago makapag –renew ng lisensya sa pagmamaneho. Hindi natin dapat ipantay ang mga pasaway na drayber sa mga matitinong drayber na walang nilabag na batas trapiko. Kung walang nilalabag na batas trapiko ang isang drayber, inaakala natin na maingat at alam niya ang batas trapiko. Hindi makatwiran na paraanin pa ang ganitong klase ng drayber sa CDE na uubos ng mahalagang oras na maaaring maiukol sa iba pang makabuluhang gawain.

Hinimay natin ang RA 10930. Inamyendahan nito ang Section 23 ng RA 4136, na sinusugan ng BP 398, upang pahabain ang bisa ng driver’s license at ang pagkakaroon ng online renewal ng driver’s license.Bukod pa rito, nagdagdag pa ng bagong Section 23-A at 23-B. Sa Section 23-A, upang masigurado na ang mga bagong drayber ay may sapat na kakayahan na magmaneho ng maayos at hindi makakapinsala sa iba pang mga gumagamit ng kalsada, mas mahigpit na theoretical at practical examination ang ipapatupad ng LTO sa mga kukuha ng driver’s license sa unang pagkakataon. Nagpapataw ang Section 23-B ng mas mataas na multa sa mga paglabag sa Land Transportation Code ( RA 4136, as amended). Kitang kita sa mga probisyon ng RA 10930 ang pilosopiya na pagaanin ang buhay ng mga drayber sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho at masiguro na ligtas ang taong bayan sa lansangan.

Ang lakas ng loob ng LTO na magpalusot na ang CDE ay bahagi raw ng RA 10930. Ito ang nakakalungkot sa Pilipinas. Maganda ang batas pero binababoy at inaabuso ang pagpapatupad nito ng mga ahensiya na inatasan magpatupad ng patakaran.

Batay sa datos ng taon 2017, naglabas ang LTO ng driver’s license sa 6,627,549 drayber sa buong Pilipinas. Mas mataas ng 12.80% ito kumpara sa mga lisensya na inilabas noon taon 2016 na 5,875,732. Ipagpalagay na lang natin ang bawat isa sa mga drayber na ito ay kailangan kumuha ng CDE na nagkakahalaga ng P1k bawat tao, aba eh aabot ito sa P 6,627,549,000. ( P 6.628 bilyon). Malaking halaga ang kikitain ng LTO at ng mga service provider nila. Kahit sabihin pa ng LTO na libre ang CDE sa LTO Driver’s Education Center o sa LTMS portal online refresher course, malaki ang ating duda na may sapat na pasilidad ang LTO para maasikaso ng maayos ang 6.6 milyon mga drayber na inoobliga nilang mag CDE. Malaking pahirap ito sa nagugutom na pamilya ng mga drayber ng pampublikong sasakyan na hindi makabiyahe tulad ng dati dahil sa pandemiya. Bukod pa rito, obligadong umabsent sa trabaho ang drayber para makadalo sa CDE, maging sa online. Lumalabas na imbes na pagaanin ang buhay ng mga drayber, lalo pang pinabigat ng LTO ang pasanin ng mga pamilya ng milyon-milyon mga naghihikahos na drayber. Out of line ang LTO sa pagpapatupad ng RA 10930.

AUTHOR PROFILE