Manalo DFA Secretary Enrique Manalo

Sec. Manalo magsasagawa ng working visit sa Canada

May 4, 2024 Edd Reyes 76 views

NAKATAKDANG magtungo sa Vancouver Ottawa, at Toronto sa Canada si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa Mayo 6, araw ng Lunes hanggang Mayo 10 na layuning mapalakas ang ugnayang pulitikal at kultura, kasabay ng ika-75-taong anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Canada.

Makikipagpulong ang Kalihim sa apat na Canadian Cabinet Ministers ng Global Affairs ng Canada na sina Mélanie Joly, Minister for Foreign Affairs; Mary Ng, Minister of Export Promotion, International Trade and Economic Development; Ahmed Hussen, Minister of International Development; at Marc Miller, Minister of Immigration, pati na ang pakikisalamuha sa mga miyembro ng Canada-Philippine Inter-Parliamentary Friendship Group, matapos ang nakatakda niyang pagsasalita sa Asia Pacific Foundation sa Vancouver na tatalakay sa mga patakarang panlabas.

Pangunahing tatalakayin ni Secretary Manalo sa kanyang pakikipag-usap sa mga miyemro ng grupo Inter-Parliamentary Friendship Group ang iba’t-ibang usaping may kaugnayan sa pagtutulungan sa pagdepensa laban sa mga kaaway, pagtatatag ng cybersecurity at pagsugpo sa cybercrime, maritime cooperation, paninindigan sa mga panuntunan sa umiiral kautusan sa Indo-Pacific, pagpapalakas ng kalakalan, pamumuhunan, pagpapaunlad at teknikal na kooperasyon sa larangan ng enerhiya, pagkain, pagmimina at iba pang usaping pandaigdigan tulad ng climate change, kababaihan at mahihinang grupo ng lipunan pati na ng cybersecurity.

Ang pagbisita ni Secretary Manalo sa Canada ay kasunod ng ginawang pagtungo sa bansa ni Canadian Foreign Minister Melanie Joly sa Pilipinas noong Mayo 19, 2023, pati na ang matagumpay na ika-anim na pagpupulong ng Joint Commission for Bilateral Cooperation (JCBC) na ginanap sa Ottawa noong Oktubre 12 ng nagdaan ding taon.

AUTHOR PROFILE