Default Thumbnail

Online seller ng ‘rare’ na ibon, timbog

June 10, 2023 Edd Reyes 210 views

NAILIGTAS ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang dalawang mamahalin at kakaibang uri ng ibon sa kamay ng hindi awtorisadong mangangalakal sa entrapment operation Biyernes ng hapon sa Valenzuela City.

Ayon kay Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) Commander P/Maj. Alvin Gutierrez, ikinasa nila ang entrapment operation laban sa 29-anyos na lalaking suspek ng Barangay Viente Reales, sa naturang lungsod matapos nilang matunton ang suspek na gumagamit ng alyas na “Otipaga lennor” sa kanyang Facebook Messenger account sa pagbebenta ng “Green Cheek Conure,” isang uri ng maliit at kakaibang ibon na may angking talino at kakayahang magsalita tulad ng parrot.

Bagama’t hindi kabilang sa mga tinuturing na endangered at threatened species ang Green Cheek Conure, kinakailangan pa rin ang mga sapat na dokumento mula sa DENR upang payagan ang sinumang lisensiyadong mangangalakal na magbenta nito.

Sa kanyang ulat kay Regional Maritime Unit Chief P/Col. Boots Maseo, sinabi ni Gutierrez na ikinasa nila ang entrapment operation bago mag ala-1 ng hapon sa Bgy. Veinte Reales matapos kumagat ang suspek sa alok na P13,000 ni P/Cpl. Joey Velarde ng MARPSTA na nagpanggap na buyer para sa dalawang Green Cheek Conure.

Napag-alaman na nagkakahalaga ng mula P7,000 hanggang P33,000 ang halaga kada isa ng Green Cheek Conure, depende sa kanilang lahi at pinaggalingang lugar.

Nang tanggapin ng suspek ang markadong salapi, kapalit ng dalawang mamahaling ibon, kaagad na siyang dinakip ng pinagsanib na puwersa ng MARPSTA, RMU-NCR at kinatawan ng DENR matapos mabigong magpakita ng mga dokumentong magpapatunay na may permiso siyang magbenta ng naturang ibon.

Kasong paglabag sa Section 27 ng RA (Republic Act) 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act at Section 6 ng RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act ang isasampang kaso ng MARPSTA laban sa online seller sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE