Default Thumbnail

Oil deregulation law ibasura!!!

March 9, 2022 People's Tonight 1117 views

TulfoPRESYONG ginto na ang petrolyo sa ating bansa ngayon dahil sa sunod-sunod na oil price increase.

Ang giyera sa pagitan ng bansang ukrain at russia ang nagpalala pa sa problema sa pandaigdigang kalakalan ng petrolyo.

Umaabot na sa halos P70 ang presyo ng litro ng krudo habang nasa P80 naman ang bawat litro ng gasolina sa mga gasolinahan natin ngayon.

Ang nakakalungkot…walang magawa ang gobyerno para kontrolin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa dahil nakasaad ito sa batas.

Layunin kasi ng Republic Act 8479 o ang Oil Deregulation Act of 1998 na hindi na pakikialaman ng pamahalaan ang presyuhan ng petrolyo sa bansa at hayaan na lamang ang mga kumpanya ng langis na magpresyo ng kanilang mga produkto sa layuning pababaan sila ng presyo.

Pero ang tanong ng mga tao…may insidente na ba o panahon sa ilalim ng Oil Deregulation Law na nag-unahan ang mga oil companies na magpababa ng kanilang presyo o pamurahan ng presyo kada litro?

Tanging ang mga maliliit at hindi masyadong kilalang mga kumpanya ng langis sa bansa ang medyo mura ng bahagya ang presyo kumpara sa mga malalaking sikat ng kumpanya sa bansa.

Kaya ko rin nasabi na bahagyang mura ang presyo sa maliliit na kumpanya dahil sampu hanggang bentesingko sentimos lang naman ang ibinaba ng presyo nila kada litro sa mga malalaking kumpanya.

Kung tutuusin nagoyo ang taongbayan ng mga mambabatas na nagpasa nitong Oil Deregulation Law noon.

Sa halip na pababaan ng presyo ang layunin ng batas na ito…aba’y parang hinoholdap ang mga motorista ngayon ng r.A. 8479 at walang magawa ang gobyerno.

Hindi maka-motorista o para sa kapakanan ng taumbayan ang batas na ito, kundi pumapabor lang ito sa mga kumpanya na langis.

Hindi mo rin masisi ang ilan sa mga kababayan natin ngayon kung mag-isip na baka na-areglo ng mga oil companies ang mga mambabatas natin noon na nag-apruba sa bulok at walang silbi na batas na ito.

Agree ako sa Pangulong Duterte sa pagpaparebyu sa Kongreso ang batas na ito at kung sang-ayon pa ito sa panahon ngayon.

Pero kung ako at ang ilang daang libong motorista sa ating bansa ngayon ang tatanungin hinggil sa r.A. 8479…. Ibasura na yan!!!

Dapat lang na may pakialam ang pamahalaan sa presyuhan ng petrolyo para matiyak na tama at makatarungan ang presyo ng petrolyo sa bawat gasolinahan sa ating bansa. Ni Erwin Tulfo 

AUTHOR PROFILE