Obrero patay sa saksak dahil sa ‘love triangle’

March 19, 2022 Jonjon Reyes 126 views

LOVE TRIANGLE” ang nakikitang dahilan nang pananaksak sa isang 41-anyos na construction worker mula sa isang dayo lamang sa lugar sa Baseco Compound, Port Area, Manila madaling araw nitong Biyernes.

Nakilala ang biktimang obrero na si Arnel Dadivas ng Gasangan Street, Baseco Compound, Port Area.

Sa huling report ng Manila Police District (MPD)-Investigation Division, natimbog naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation na si Rolando Ortilla aka “Baleleng”, residente ng Bgy. 101 Katuparan, Vitas sa Tondo na pinangunahan ni P/Maj. Rommel Anicete ng MPD-DID.

Batay sa ulat ni Det. Rodolfo Acosta na isinumiti kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD- Homicide Section, bandang alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang pananaksak ng suspek sa likurang bahagi ng biktima.

Una rito, nakipag-inuman pa umano si “Baleleng” sa kanyang mga kaibigan sa naturang lugar.

Ilang sandali pa lamang ang nakakaraan nang makarinig ng mga kalabog si Princess Ruby na ka-live in ng obrero at nang ito’y mag-usyoso, nakita nitong nakabulagta na ang kinanakasama.

Agad itong humingi ng tulong sa ilang tambay sa lugar at mabilis nila itong isinugod sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center subalit dakong 3:05 ng madaling araw idineklarang patay ni Dr. Andrew Calimas dulot sa dami ng mga tinamong saksak ng biktima.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na dati umanong karelasyon ng suspek ang kinakasama ng biktima. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE