‘Watchers’ pinagbabaril, 1 patay sa QC

March 19, 2022 Melnie Ragasa-limena 141 views

PATAY ang isa sa tatlong “watchers” ng Low Rise Building (LRB) compound sa Quezon City, nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki nitong Huwebes ng gabi.

Ang biktimang nasawi ay nakilalang si Anabelle Zacarias Espinosa, 43, may asawa, volunteer watcher ng LRB compound, tubong Marinduque at residente din ng LRB Compound, Joseph St., Bgy. Holy Spirit, Lungsod Quezon.

Samantala inoobserbahan pa sa ospital ang mga biktimang sina Seferino Laxaman, 71, purok leader, at Merlita Versoza Cabigas, 56, kapwa naninirahan sa nasabing barangay.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-9:45 ng gabi, Marso 17, nang maganap ang insidente sa gate ng LRB Compound.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Angel T. Pascasio III ng CIDU, abala umano ang mga biktima sa kanilang duty bilang mga watchers sa LRB main entrance nang sumulpot ang isang lalaki na armado ng ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Sisitahin pa lamang ng mga watchers ang lalaki na may dalang baril pero bigla na itong pinagbabaril ang mga biktima bago tumakas sakay ng hindi pa naplakahang motorsiklo.

Agad na isinugod ang tatlong watchers sa FEU-NRMF Medical Center pero idineklarang “dead-on-arrival” si Espinosa bandang 10:23 ng gabi ni Dr. Gina Roxas, habang isasailalim naman sa surgical operation sina Laxamana at Cabigas.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng naganap na pamamaril upang makilala ang nakatakas na gunman.