Default Thumbnail

Obrero, binoga ng 2 suspek sa Malabon

June 26, 2023 Edd Reyes 151 views

PATAY ang 27-anyos na construction worker nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga salarin, Linggo ng gabi sa Malabon City.

Isinakay pa sa tricycle at tinangkang isugod sa pagamutan ng nagmalasakit na kalalakihan ang biktima, residente ng Kadima, Barangay Tonsuya subalit ibinaba rin at iniwan sa A. Roque Street sa naturan ding barangay nang malaman na may dumating ng ambulansiya na magsusugod sa biktima sa ospital.

Gayunman, hindi na rin dinala ng mga tauhan ng ambulansiya ang biktima dahil bukod sa wala na ring buhay, wala ring kamag-anak na makakasama sa pagsugod sa pagamutan.

Sa isinumiteng ulat nina P/SSgt. Benjie Nalogoc at P/Cpl. Marlon Renz Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nakaupo sa isang eskinita sa likuran lamang ng kanilang bahay sa Kadima ang obrero nang sumulpot ang isa sa dalawang armadong lalaki dakong alas-10:50 ng gabi at binaril kaagad ang biktima.

Dahil hindi kaagad napuruhan, nagawa pang tumakbo ng biktima, subalit naka-antabay din pala ang isa pang salarin at sunod-sunod siyang pinaputukan na tumama sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Kaagad namang nakapagresponde sa lugar ng krimen ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 sa pangunguna ni P/Lt. Melanio Valera III, patrol supervisor, na kaagad nagsagawa ng pagtugis sa mga salarin subalit bigo na rin silang madakip o makilala ang mga ito.

Ayon kay Nalogoc, inaalam nila kung “onsehan” umano sa bentahan diumano ng ilegal na droga ang motibo sa pamamaslang matapos kumpirmahin sa kanya ng mga opisyal ng barangay sa naturang lugar na sangkot sa iligal na droga ang biktima.

Natuklasan din ng pulisya na may rekord na ng pagkakabilanggo ang biktima noong taong 2022 matapos mahuli sa pag-iingat naman ng nakamamatay na armas.

Nakuha ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) sa pangunguna ni P/Maj. Sonny Boy Tepace sa lugar ng krimen ang limang basyo ng bala at isang slug na mula sa kalibre .45 pistola na isasailalim sa ballistic examination.

AUTHOR PROFILE