Kalaboso1 KALABOSO – Nahuli ang suspek at nakuha sa kanya ng mga pulis ang isang kalibre .22 magnum revolver na ginamit niya sa panunutok sa biktima.

Tsismosa ka, papatayin kita!

May 21, 2024 Edd Reyes 82 views

KalabosoTSISMOSA ka, papatayin kita!”

Ganito binantaan ng 38-anyos na kelot na armado ng baril ang 46-anyos na bebot na inakusahan niyang nagma-“Maritess” nang lusubin ang ginang sa kanyang sari-sari store Lunes ng gabi sa Muntinlupa City.

Sa kabila ng matinding sindak, nagawang makapasok sa loob ng kanyang bahay sa San Guillermo Street, Barangay Putatan ang biktimang si alyas “Rhona” at kaagad tumawag para humingi ng tulong sa mga tauhan ng Putatan Police Sub-Station na hindi kalayuan sa naturang lugar.

Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, naganap ang insidente dakong alas-11:55 ng gabi sa tindahan ng biktima na nasa harapan lamang ng kanyang bahay.

Mabilis namang nakapagresponde ang mga pulis sa tindahan ni Rhona kaya’t nang malaman sa biktima kung sino ang nagtangkang pumatay sa kanya, nagsagawa kaagad sila ng pagtugis na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si alyas “Edwin.”

Nakuha ng mga pulis sa suspek ang isang kalibre .22 magnum revolver na naglalaman ng apat na bala na ginamit niya sa panunutok sa biktima.

Ayon kay Muntinlupa police chief P/Col. Robert Domingo, sasampahan nila ng mga kasong grave threats at paglabag sa Republic Act No. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ang suspek sa piskalya ng Muntinlupa City.

AUTHOR PROFILE