Default Thumbnail

NPC Election 2022

April 18, 2022 Paul M. Gutierrez 299 views

PaulBAGAMAN “nahuhumaling” ang karamihan sa atin, kasama na ang ating mga kapatid sa midya dahil nalalapit na ang presidential election ngayon 2022, mauuna na muna syempre ang eleksiyon ng National Press Club (NPC) na gaganapin ngayong Mayo Uno batay sa ating By-Laws.

Hindi natin nagawang magkaroon ng eleksiyon noong 2020 dahil sa kasagsagan ng pandemya kaya napilitan tayong magkaroon ng ating ‘Interim Board’ para sa 2020-2022 set of officers na pinamunuan ng inyong lingkod.

Dangan kasi, kahit gusto nating sumunod sa sinasabi ng ating “Saligang Batas”—tatlong beses pa nga tayong gumawa ng ‘special resolution’ para lang magkaroon ng eleksyon noong 2020 sa mga sumunod na buwan subalit, hindi talaga puwede.

Pero ngayon, dahil sa pagluwag na rin na restrictions at patuloy na pagbuti ng ating sitwasyon ay matutuloy na sa wakas ang eleksiyon ngayong 2022.

Batay sa official list of candidates na inilabas ng NPC Comelec, nasa 11 ang tumatakbong director na mag-aagawan sa 10 puwesto.

Ibig sabihin, may isang “mahuhulog.” Good luck pa rin sa inyong lahat.

Samantala, wala namang magiging kalaban para sa presidente, vice-president, secretary, treasurer at auditor.

At syempre, inaasahan po natin ang kauna-unahang babaeng pangulo ng National Press Club ngayong 2022—si NPC secretary Lydia Bueno.

Kaya naman po masasabi nating makasaysayan ang mangyayaring eleksiyon ngayong Mayo Uno.

Sa kabilang banda, “nalulungkot” din tayo na ‘yung mga ogags, mga kurimaw at mga kritiko na wala nang magawa at alam gawin kundi siraan at intrigahin ang NPC at ang mga lider nito, hindi naman nag-abalang magmiyembro at lumaban sa halalan.

Mayroon din siyempre sa hanay ng mga lifetime members na wala ring inatupag kund bumatikos at manira, patikular sa social media. Pero, pagdating ng halalan, ayaw din namang tumakbo. Alam siguro na gagawin nating “basahan” dahil “ilalampaso” natin sa araw ng botohan.

Naniniwala tayo dito dahil bistado naman ang kanilang malansang rekord ng pagsasamantala at pambababoy sa ating organisasyon.

Wala na pong nagtangkang tumakbo na ibang partido dahil alam naman po ng mga aktibong miyembro natin ang magagandang ginagawa ng NPC para sa mga miyembro nito.

Nagpapatuloy pa rin ang mga nasimulan nating proyekto magmula sa ating scholarship project, sa ating medical assistance at medical missions na sana ay maituloy na rin ulit, kasama ang UNTV. Natigil ang magandang joint project na ito na libo-libo na ang nakinabang dahil sa pandemya.

Bagaman, ginawa nating “oportunidad” ang pandemya upang maituloy ang NPC ‘online projects’ gamit ang Internet, Zoom at YouTube kaya naman tuloy pa rin ang ating weekly media forum na Meet the Press Report to the Nation, ang Usapan sa Balai at Asar talo.

At syempre, patuloy pa rin ang ating weekly radio program na Meet the Press on Air sa Radyo Pilipinas tuwing araw ng Linggo.

Panahon din ng pandemya ng isulong natin ang NPC physical improvement projects na ginawa natin sa NPC Building at sa ating perimeter fence.

Ngayon ay talaga namang buhay na buhay ang ating tahanan, mula sa ibaba hanggang sa itaas kung saan naroon na at muling binuhay ang bar and resto sa 4th floor.

Sadyang ibang-iba na po ang NPC sa ilalim ng liderato ng Press Freedom Party.

Ang nakakalungkot at nakakapikon ay kung sino pa ang walang ginagawa para sa NPC, sila pang maingay bumatikos.

Pero natutuwa po tayo dahil naririyan po ang ating mga miyembro na patuloy pong sumusuporta at nagtitiwala sa atin. Nakikita at nararamdaman kasi nila ang serbisyong ginagawa ng NPC para sa mga miyembro nito.

At hindi ba dapat nating ipagmalaki na bumalik na ang kredibilidad ng NPC bilang institusyon at samahan ng media sa Pinas dahil sa mga isyung pambayan na tinindigan nito?

Kaya naman magkita-kita po tayo sa darating na Mayo Uno at makibahagi sa makasaysayang araw na ito para sa NPC.

Bukod sa eleksyon, mayroon din tayong ‘general assembly’ kung saan mag-uulat ang lideratong aking iiwan sa mga nagawa nito gayundin ang ilang panukalang amyenda sa ating By-Laws.

Layunin ng mga panukalang amyenda ang mas mabilis na pagpapalaki ng ating kasapian na sasakop sa iba pang mga samahan ng media sa bansa kaya…

Abangan!

AUTHOR PROFILE