Default Thumbnail

Northern Samar folk humihingi ng tulong sa tindi ng baha

November 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 139 views

NAGPAPASAKLOLO na sa national government ang mga opisyal ng local government units sa Northern Samar dahil sa malawakang pagbaha.

Makikita sa mga videos na ibinahagi ng mga residente sa social media ang delubyong dulot ng matinding pagbaha na magmistulang waterworld ang ilang barangay sa kanilang lugar.

Sa Las Navas, Northern Samar, ilang barangay ang nalubog sa halos lampas taong baha habang halos lumampas na sa bubong ng mga bahay ang tubig baha sa Sitio Naperes sa San Roque, Ipil-ipil sa Catarman at Catubig, Northern Samar.

Sinabi ni Northern Samar Gov. Edwin Ongchuan na hindi na rin madaanan ang Dancalan bridge sa Bobon dahil sa crack.

Umapaw din ang tubig sa Las Perla river sa Laoang, Northern Samar gayundin ang tubig sa Usman-Tisoy creek sa San Roque.

Pinalubog din ng baha ang daan na nag-uugnay sa sitio Naperes–ang Bangkerohan sa San Roque.

Bukod sa baha, nagkaroon din ng landslide sa Dona Luisa, Onay, Laoang, Northern Samar dahil sa walang tigil na ulan.

Lalo pang pinahirap ang sitwasyon dahil sa kawalan ng ilaw sa ilang lugar dahil sa mga natumbang poste ng kuryente.

Sa ngayon, patuloy pa ang pagtaas ng baha kaya humihingi na ng tulong ang ilang mga residente na na-trap sa kanilang mga bahay.