NHA INSPECTION TIME–Si National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai (gitna, naka blue t-shirt) kasama ang kanyang team sa ginawang inspection ng pabahay sa Nueva Ecija.

NHA GM patuloy inspection ng abot kaya na housing projects

April 27, 2024 Jun I. Legaspi 92 views

PATULOY ang National Housing Authority (NHA) sa pamumuno ni General Manager Joeben Tai sa pag-inspeksyon sa iba’t-ibang proyektong pabahay ng ahensiya.

Layunin ng walang humpay na inspeksyon ni Tai na matutukan at masigurong nasa takdang oras ang pagpapatayo at pamimigay ng mga tahanan.

“Alinsunod sa ating programang Build Better More (BBM) Housing, akin pong sinisigurado sa inyo na ang mga pabahay na itatayo dito abot-kaya at dekalidad na may progresibong komunidad na maikukumpara sa mga pribadong pabahay.

Amin din pong tiniyak na malapit ang proyektong ito sa mga pangunahing establisyimento gaya ng mga pamilihang bayan, pampublikong paaralan, ospital, simbahan at mga istasyon ng pulis,” saad ni Tai.

Tumungo sina NHA GM Tai kasama sina Assistant General Manager Alvin Feliciano, NCR North Sector Office Regional Manager Engr. Jovita G. Panopio at Rovin Feliciano ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Disiplina Arkong Bato, Valenzuela City noong Abril 26, 2024.

Isa ito sa mga proyekto ng NHA na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang groundbreaking ceremony noong Marso 27, 2023.

Isang in-city resettlement site ang Disiplina Village Arkong Bato sa Brgy. Arkong Bato, Valenzuela City na inaasahang magtayo ng 20 low-rise buildings (LRBs) at makabuo ng 960 housing units na may sukat na 24 sqm. floor plans.

Layunin ng Disiplina Village Arkong Bato na maging bagong tahanan ng mga informal settler families (ISFs) na nakatira sa mga delikadong lugar sa siyudad na naapektuhan ng Supreme Court Mandamus to Clean-Up the Manila Bay Area.

Bukod dito, binisita rin ni Tai ang Acacia Greenfield Homes sa Brgy. Manacnac, Palayan City at Camp Magsaysay Place sa Brgy Kalikid Sur, Cabanatuan City noong Abril 20, 2024.

Tiniyak nina NHA Region 3 Manager Minerva Y. Calantuan at Palayan City Mayor Vianne Cuevas ang kondisyon at konstruksiyon ng bawat bahay sa mga proyekto.

Sa ilalim ng Government Employees Housing Project (GEHP), nakalaan ang Acacia Greenfield Homes at Camp Magsaysay Place para sa uniformed personnel at mga kawani ng gobyerno.

Pumunta rin si Tai sa St. Ildephonsus Village Resettlement Project sa Brgy. Anyatam, San Ildefonso, Bulacan para masilayan ang mga pagbabago at sitwasyon ng pamumuhay ng mga benepisyaryo ng pabahay.

Samantala, sa pamamagitan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program (4PH), makakaasa ang pamilyang Pilipino sa pamamahagi ng ahensiya ng pabahay sa magkakaibang sulok ng bansa.

AUTHOR PROFILE