Default Thumbnail

NBI at BoC, magkasangga kontra katiwalian!

November 4, 2021 Marlon Purification 367 views

Marlon PurificationIMPRESSIVE ang mga performance ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC) kontra katiwalian.

Nakatutuwa dahil pinatutunayan nina NBI director Eric Distor at BOC Commissioner Jigger Guerrero na puwede naman talagang magkaisa ang bawat ahensiya ng pamahalaan para sa kapakanan ng bayan.

Kamakailan ay sinalakay ng NBI at BOC ang isang compound sa Quezon City kung saan ay aabot sa P58 million coins at pitong luxury vehicles ang kanilang narekober.

Medyo natatagalan lang tayo sa kanilang final and official report (na hanggang ngayon ay wala pa!), pero ang gusto nating puntuhan dito ay ang kooperasyon ng dalawang kagawaran.

Nito lamang Martes ng gabi ay sanib-puwersa rin nilang inaresto sina BOC Examiner Bong Seletaria at BOC Appraiser Zosimo Bello matapos umano nilang kikilalan ang Customs Broker na si Ernesto Jhun Juanta ng JMACX Consumer Goods Trading.

Sa panayam natin kay Juanta, nabatid na Oktuber 18 nang dumating ang shipment niyang galing China.

May laman itong injection machine, gamit bilang plastic molding sa paggawa ng timba.

Nadokumentuhan aniya at nai-lodged ito noong Oktubre 21, ngunit habang pino-proseso, ang gusto umano ni Bello ay i-tax sila ng P1 million.

“Paano magiging P1 million (P100,000.20), eh wala namang halaga ng P3 million ang makina,” ani Juanta sa panayam natin sa kanya sa telepono.

Hindi rin umano pumayag si Bello na ipasakop sa AFT Asian Free Trade Agreement ang kargamento ng Juanta at sa halip ay gumawa umano ito ng istorya para i-tax sila ng P392,000.

“Pero hindi niya pa raw ipa-final assessment kung walang magiging usapan kung magkano ang ibibigay sa kanya. Alam na rin daw ng examiner niya ang ibinigay na presyo,” dagdag pa ni Juanta.

Sa labis na pagkadismaya, lumapit si Juanta kay Senador Bong Go at kaagad ini-refer ang sumbong kina Distor at Guerrero.

Habang kausap sa telepono, dinig na dinig nina BOC Deputy Commissioner Raniel Ramiro at Atty. Emetrio Donggalo ng NBI Special Project Team, kung paano umano kikilan ng mga opisyal si Juanta kaya ikinasa ang entrapment operation dakong alas-6:00 ng gabi nitong Martes n sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila.

Pag-abot ni Juanta sa P5,000 marked money, dito na inaresto nina NBI Agent Hermy Roxas, Special Investigator Waldo Palattao at Special Investigator Erwin Buenaventura ang mga suspect. Ang nasabing pangyayari ay nakunan ng video na viral ngayon sa social media.

Sa puntong ito, gusto nating saluduhan sina ret. Gen. Ramiro at Atty Donggalo dahil sa mahusay nilang operasyon.

Marami nang magagandang accomplishments itong si Donggalo na matagal na rin nating na-cover noong NBI reporter pa ang inyong lingkod.

Gusto rin nating papurihan sina Distor at Guerrero dahil wala silang sinisino kung kampanya kontra korapsiyon na ang pag-uusapan.

Sinampahan na ang mga suspect ng kasong paglabag sa Artcle 293 ng Revised Penal Code (Robbery/Extortion) at Violation of Section 3(b) ng RA 3019 na lalong kilala sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Samantala, antayin naman natin kung pano nila kakasuhan ang mga may-ari ng P58 million na nang-hoard ng mga coins at pitong mamahaling sasakyan na ang apat umano rito ay walang kaukulang dokumento.

Economic sabotage ang naghihintay na kaso sa mga taong sangkot dito na ibig sabihin ay walang nakalaang piyansa.

Iyan ang accomplishment mga Boss. Iwas na tayo sa mga lakad na hulidap, lalo diyan sa BOC.

Tama ba ako, Sir Among Tunay Joel Pinawin?