Allan

Nawalan ng tiwala sa Prime Water; most trusted naman ang DPWH

April 19, 2024 Allan L. Encarnacion 47 views

HINDI natin masisi kung umuusok sa galit ang bumbunan ni Bacolod City Mayor Albee Benitez sa Prime Water na siyang service provider sa kanilang lungsod.

Ayon kay Mayor Albee, sa apat na taong serbisyo ng Prime Water, hindi pa sila nakadama ng ginhawa mula sa supply ng tubig. Maraming reklamo at mga social media post ang sinasabi ni Mayor Albee na burak na ang inilalabas sa gripo ng tubig ng mga residente kaya kailangan na niyang umaksiyon.

Bukod sa maruming tubig, datnan-panawan din ang tulo sa gripo ng mga residente kaya sa init ng ulo ni Mayor Albee, puputulin na ng niya ang service cotract ng Prime Water sa buong lungsod.

Kinukuwestiyon din ng alkalde kung bakit walang inilalabas na bagong puhunan mula sa kompanya at mula sa mga kinikita ang Prime Water na nagiging sanhi umano ng poor quality of service ng kompanya.

In fairness naman sa Prime Water, may mga lugar naman na maayos ang kanilang serbisyo kaya nakapagtatakang ganyan katindi ang problema nila sa Bacolod. Sa Tagaytay City naman, marami tayong positibong naririnig sa serbisyo ng Prime Water.

Kailangan sigurong imbestigahan din ng Prime management ang mga inirereklamong ito ni Mayor Albee dahil masyadong extreme ang sitwasyon na inaabot ng mga residente ng lungsod. Baka naman may insider sabotage sa loob mismo ng Prime Water kaya pumapalpak ang kanilang serbisyo sa Bacolod?

Nawalan na ng tiwala si Mayor Albee sa Prime Water kaya dahil sa pagkapuno ng salop ay kakalusin na ng alkalde ang kontrata ng kompanya.

***

Speaking of tiwala, congratulations naman sa DPWH at kay Secretary Manny Bonoan dahil consistent top most trusted ang departamento sa buong bansa.

Sa Octa Research survey, lumitaw na kasama ang DPWH sa mga ahensiya ng pamahalaan na pinagkakatiwalaan ng mga mamamayan.

Hindi ito pangkaraniwan para sa isang departamento na noong mga nakaraang dekada ay palaging kasama sa mga hindi pinagkakatiwalaan dahil sa persepsiyon ng mga katiwalian. Malaking bagay ang mga repormang naisulong ni Sec. Manny sa buong ahensiya dahil mas nangibabaw ang performance/effiency at reliability ng departamento.

Kunsabagay, nakikita naman natin sa mga pagawaing bayan, mabilis at episyente ang DPWH sa kanilang mga obligasyon sa ating mga kalsada.

Iyong mga private company pa nga ang pabaya sa kanilang mga hinuhukay at inaabandonang proyekto na nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan kaya nga nabigyan sila ng ultimatum ng MMDA, lalo na nitong nakalipas na Semana Santa.

Muli, ang ating pagbati sa lahat ng Regional Directors, District Engineers, mga DPWH officials, field workers at kay Sec Bonoan.

[email protected]