Kulong

Nag-amok, muntik manaksak swak sa rehas

April 18, 2024 Melnie Ragasa-limena 45 views

NASA likod ng malamig na rehas na ngayon ang 36-anyos na lalaki na nag-amok at nagtangkang saksakin ang nakasalubong na babae sa Quezon City noong Miyerkules habang lasing siya.

Nakatira ang suspek na si Ryan Del Monte Aldunar, 36, jobless, sa 65 Banawe St., Brgy. Maharlika, Quezon City, ayon sa pulis.

Inireklamo siya ng biktimang si Cristina Regaspi, 43, stylist sa Massage Salon Spa, at residente ng Brgy. 120, Caloocan City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) La Loma Police Station 1, bandang alas-7:00 ng gabi ng maaresto ang suspek sa Matutum corner Del Monte Ave. Brgy. Manresa, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Von Ryan Signap, biglang humarang ang lasing na suspek na armado ng kutsilyo na tila nag-aamok habang naglalakad ang biktima sa lugar.

Nagsisigaw pa umano ang suspek ng “Umalis kayo sa harapan ko. Hindi kayo aalis? Huwag kayong sumabay may topak ako ngayon sasaksakin ko kayo.”

Sa takot ng biktima, agad niya itong iniwasan subalit sinundan pa rin ng suspek at inundayan ng saksak.

Masuwerte namang mabilis na nakaiwas ang biktima at nakatakbo subalit dahil sa takot bumangga sa poste ng kuryente at nauntog ang ulo.

Napansin naman ng mga istambay ang insidente at tinulungan ang biktima saka pinagtulungang pigilan ang suspek at nakuha ang kutsilyong hawak nito.

Dinala sa police station ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong attempted homicide.