Mindanao fabric, bidang-bida kay Inday Sara
NAG-TRENDING ang Facebook post ni Davao City Mayor Sara Duterte kung saan ibinida niya ang source ng mga pantalon at paldang isinusuot niya ngayon na gawa sa Mindanao fabric.
Maraming netizens kasi ang nakapansin na hindi na gaanong nagma-maong ang mayora kundi mas madalas na itong nagsusuot ng palda’t pantalon na gawa sa lokal na habi.
Kaya naman naisipan niyang i-post sa FB ang pinanggagalingan ng nasabing fashion statement.
“Marami po ang nagtatanong kung saan ko nabili ang pants ko. Nagsimula po ako magsuot ng ganito dahil madami nagbibigay sa akin ng tela mula sa mga kaibigan ko sa ZamBaSulTa at ilang lugar sa BARMM,” panimula ni Inday Sara.
Ang ZamBaSulTa ay isang acronym para sa Zamboanga, Basilan Sulu at Tawi-Tawi habang ang BARMM naman ay pinaikling Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang indigenous tribes sa mga lugar na ito ang major producers ng handwoven fabrics na ibinibidang ni Mayor Sara araw-araw.
“Napakaganda ng habi natin, ayaw ko na bumalik sa mga boring na maong! Proudly made in Mindanao,” pagmamalaki pa ng mayora. So far, ang nasabing FB post ay may 700 nang shares, 32,000 likes at halos isang libong comments
Kaya naman ganu’n na lang ang pasasalamat ng local weavers sa kanya sa pagsuporta sa handwoven materials ng Mindanao.
Isa na rito ang netizen na si Nasr Maulana na nagsabing, “Salamat Mayora for being a voluntary endorser of our products. You are helping lots of weavers who basically belong to the lower income earners. Mabuhay po kayo.”