Kim-Jerald, legit Direk Antoinette

August 13, 2021 Ian F. Fariñas 182 views

ISA ang box-office at multi-awarded director na si Antoinette Jadaone sa mga showbiz personality na nakapanood na at bumati kina Kim Molina at Jerald Napoles para sa kanilang mahusay na pagganap sa Vivamax feature film na Ikaw at Ako at Ang Ending.

Anang lady director, “Legit ’yung ibang-ibang Jerald Napoles at Kim Molina ang makikita n’yo dito kasi IBA TALAGA SILA. Hindi sila magpapatawa.”
Maging ang Ikaw at Ako at Ang Ending director na si Irene Villamor (Meet Me in St. Gallen, Camp Sawi, etc.), puring-puri rin ng netizens dahil sa husay ng pagkakatahi ng kwento’t eksena sa pelikula.

Ginagampanan ng real-life couple na sina Kim at Jerald ang dalawang tao na magkakakilala’t magmamahalan sa panahong pareho nilang hinahanap ang tamang landas sa buhay.
Mas seryoso nga ang mga karakter nila rito, kakaiba sa mga dating nagampanan na nila at di hamak na mapangahas, lalo na sa maaapoy na eksena.
Pero gaya ng sinabi ni Kim sa virtual mediacon kamakailan ng Ako at Ikaw at Ang Ending, wala silang naging qualms ni Jerald sa intimate scenes dahil nga kumportable at palagay naman sila sa isa’t isa.

Hindi nga raw nahirapan si Direk Irene na i-motivate sila sa mga eksenang may lampungan dahil sila pa mismo ang nagsa-suggest ng gagawin para mas mapaganda ang kalabasan ng mga ito.

Mapapanood na ang Ako at Ikaw at Ang Ending na nagkaroon ng global premiere sa Vivamax kahapon.

AUTHOR PROFILE