Edd Reyes

Mga POGO sa Pasay, katuwang na ng pulisya sa pagmonitor sa sindikato

March 20, 2024 Edd Reyes 87 views

LEGAL na raw lahat ang mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Pasay City matapos makapaglatag ng maayos na programa ang kapulisan sa lungsod para masawata na ang nangyayaring ilegal na aktibidad.

Mula kasi nang salakayin ng joint task force na pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Oktubre ng nagdaang taon ang compound ng POGO sa William St. malapit sa F.B. Harrison na pinamugaran ng sindikato ng mga dayuhan at kasabuwat nilang Pinoy, sinimulan na ng pulisya ng suyurin ang iba pang ganitong uri ng negosyo sa lungsod na legal ang operasyon.

Matapos kasing matukoy ni Pasay police chief P/Col. Mario Mayames ang mga legal na POGO, pinulong at kinaibigan niya ang mga operator nito upang hindi sila mapasukan ng dayuhang sindikato na sangkot sa lahat ng uri ng ilegal na aktibidad.

Dati kasi, hindi makapasok ang pulisya sa mga POGO sa lungsod dahil iba ang impresyon nila noon sa kapulisan pero nang ipaliwanag ni Col. Mayames na hindi sila kaaway at sila ang magbibigay ng proteksiyon sa mga ito, malaya ng nakakapasok ang kapulisan para i-monitor kung nasingitan sila ng dayuhang sindikato.

Pinaliwanag ni Col. Mayames na tungkulin nilang protektahan, hindi lamang ang mga POGO, kundi lahat ng mga legal na negosyo sa lungsod upang makatulong sa layunin ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na maisulong ang ekonomiya, kabuhayan, at dagdag na trabaho sa mga Pasayenos.

Kung noon pa lang ay naisip na ng mga dating hepe ng pulisya ng lungsod ang ganitong kaparaanan, hindi na sana mangyayari na nakapasok ang sindikato ng dayuhan na puro ilegal ang aktibidad sa sinalakay na POGO sa William Street.

Ilegal na gawain, ugat ng karahasan

HINDI na yata kasiyahan kundi karahasan na ang madalas mangyari sa ilang mga mini carnival dahil sa paglalagay ng mga operator ng ilegal na sugal.

Nito lang nakaraang linggo, napatay sa saksak ang 28-anyos na binata, habang sugatan ang kanyang 53-anyos na ama na umawat lang nang makitang pinagtulungang saksakin ang kanyang anak na nakipagtalo sa tatlong suspek kaugnay sa kanilang taya sa ilegal na sugal sa isang peryahan sa Cultihan, Taal, Batangas.

Kaya siguro hindi pinayagan ng lokal na pamahalaan at kapulisan sa lalawigan ng Laguna ang paglalagay ng mga mini carnival dahil gulo lang ang likha ng ilegal nilang aktibidad pero ang nangyari pala, lumipat lang ang karamihan sa kanila sa lalawigan ng Bulacan.

Isa raw kasing alyas “Tata Rogie” ang nagbigay kasiguruhan sa mga operator na hindi sila magagambala kahit pa lagyan ng sugal ang kanilang mga mini carnival na dahilan para umusbong na parang kabute ang mga peryahan sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Maging ang lansangang malapit lang sa dinarayong Our Lady of Lourdes Grotto sa San Jose Del Monte ay may mini-carnival kaya hindi na nakapagtataka kung nakapagtayo rin ang mga operator sa iba’t-ibang barangay sa Bustos, Marilao, Calumpit, Sta Maria, Pandi, Tabang, Baliwag, San Miguel, Maycauayan, at Pulilan.

Tiyak na magiging abala si Bulacan Provincial Director P/Col. Willy Arnedo lalu na ngayong palapit ang Semana Santa dahil baka pagmulan ng karahasan sa panahon ng pagtitika ang mga peryahan sa kanilang lalawigan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE