Tolentino

Mga inisyatiba ng LGUs, pinuri ni Sen. Tolentino

October 14, 2023 People's Tonight 176 views

SINALUDUHAN ni Sen. Francis “Tol” Tolentino ang lahat ng local government units (LGUs) sa kanilang mga inisyatiba upang mapabuti ang edukasyon, kalusugan at pamamahala sa krisis sa kani-kanilang lokalidad.

“If the world is flat, according to book author Thomas L. Friedman, for me, the world is local, everything is local,” ani Sen. Tolentino pagkatapos niyang makapanayam ang kanyang mga panauhin sa kanyang programa sa radio DZRH.

Nakapanayam niya si Mayor Alfredo Coro ng Del Carmen, Surigao del Norte, na ang inisyatiba kaya naging mas epektibo ang community-based health program nito sa panahon ng krisis at health calamity ay tumanggap ng 2023 Galing Pook Award, Seal of Health Governance.

Ibinahagi ni Mayor Coro na dahil sa itinatag na community-based health program, naging magaan ang epekto ng Category 4 Typhoon Odette nang hagupitin nito ang kanilang bayan noong Disyembre 2021. Naging mahusay rin ang pagtugon nila sa COVID-19 pandemic.

Sa nasabi ring programa sa radyo, in-update ni Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnel Ignacio ang mambabatas sa pagpapauwi sa overseas Filipino workers (OFWs) na namatay sa Middle East at Gaza gayundin sa pagbibigay ng tulong sa mga naipit sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Pinuri ni Sen. Tolentino ang mga hakbang ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan na nakipag-usap sa pamilya ng mga napatay na OFW, gaya ng gobernador ng Negros Occidental.

Sa pagbibigay ng edukasyon sa mga nasasakupan, isa si Tolentino sa mga lokal na punong ehekutibo na nagpasimula ng pagtatatag ng kolehiyo at unibersidad nang itinatag niya ang Tagaytay City College noong 2002 habang siya ang alkalde ng lungsod.

Sinabi ni Sen. Tolentino na ang bilang ng mga lokal na kolehiyo at unibersidad noong itinatag niya ang Tagaytay City College ay humigit-kumulang 100 at ito ay 134 na sa kasalukuyan.

Ibinahagi rin ni Dr. Raymundo P. Arcega, presidente ng Association of Local Colleges and Universities ang kahalagahan ng locally-funded tertiary institutions sa pagtugon sa pangangailangan ng mga lokalidad.

AUTHOR PROFILE