Default Thumbnail

Mga bakanteng lote pataniman ng gulay ni PBMM

June 22, 2022 Allan L. Encarnacion 335 views

Allan EncarnacionKUNG mangyayari ang plano ni PBBM at incoming Agriculture secretary na buksan muli ang Kadiwa, magandang hudyat ito para sa pagtugon sa paparating na food crisis.

Para sa mga hindi inabot ang Kadiwa, isa itong warehouse club na pang-common tao. Mura ang mga bilihin dito noong panahon ng erpat ni PBMM dahil bagsakan ito ng mga produced ng ating mga magsasaka at mga mangingisda.

Para itong OPSF (oil price stabilization fund) na bumabalanse sa presyo ng world market sa krudo at iba pang petroleum products. Hindi nakakapagtaas masyado ng presyo ang commercial market dahil sa kamurahan ng bilihin sa Kadiwa mula asukal, de lata, bigas, isda, gulay, itlog hanggang sa mga karne ng manok ay baboy.

Masigla ang food supply sa mga panahon namin dahil kahit saan ka lumingon, may Kadiwa kang mapupuntahan bukod pa ang FTI na nasa Taguig na isang bagsakan ng processed food at iba pang uri ng pagkain.

Tama ang pasya ni Marcos junior na akuin muna ang DA dahil sa banta ng krisis sa buong mundo dulot ng Russia-Ukraine conflict bukod pa ng pahirap na inabot dahil sa covid.

May suggestion lang ako kay PBBM, mas maganda sigurong maglabas siya ng Executive Order No. 1 na mag-aatas sa buong bansa na taniman ng gulay ang lahat ng bakanteng lote na nakatiwangwang, lalo na sa Metro Manila at sa iba pang highly urbanized areas.

Ipag-utos niya rin na maging ang mga malawak na lupain sa mga probinsiya ay mataniman ng palay at mga rootcrops para pakinabangan ng mga mamamayan.

Kahit saan tumingin sa expressway ng South at North, SCTEX, TPLEX ay makakakita ka ng napakalawak na lupain na nakatiwangwang lang. Walang ibang nakatanim kung hindi mga bakal para sa billboards!

Hindi ito ibig sabihin na kukunin ng gobyerno ang mga bakanteng lote, gagawin lamang kapaki-pakinabang habang may nakaambang food crisis. Kaya naman nagmamahalan ang mga presyo ng pagkain dito sa atin dahil sa kakulangan ng supply. Kung bumabaha naman ng pagkain sa ibang lugar, dahil naman sa mga imported na pumapasok sa ating merkado.

Pero ang kapalit naman ng mga imported food ay nawawalan ng merkado ang ating mga local producers.

Kailangan nating magsakripisyong lahat at tulungan ang paparating na gobyerno. Ang mga bakanteng lote na matataniman ng gulay ay ibabalik ng gobyerno sa may-ari kapag ito ay kailangan na niyang patayuan ng istraktura. Pero habang nakatiwangwang na nilalamon lamang ng damo, taniman na natin ng mga makakain.

Kapalit naman ng paggamit sa pribadong lupa ng gobyerno para sa pananim ng pagkain, wala munang babayarang amilyar ang lot owner sa buong taon or hangga’t may gulay na inaani para sa komunidad.

Kapag naglabas ng EO ang incoming President, madali namang magbuo ng Implementing Rules and Regulations na magiging kapaki-pakinabang sa ating lahat.

Mag-ambagan na tayo para sa bayan para magtagumpay ang paparating na pamahalaan sa kanyang mga planong maayos ang buhay ng mga mamamayan.

[email protected]