Default Thumbnail

Navotas coastal bay reclamation project

June 22, 2022 Edd Reyes 728 views

Edd ReyesNABABANAAGAN na ang positibong kalalabasan ng Navotas Coastal Bay Reclamation and Development Project sa Barangay Tanza na mahigit isang taon ding plinano nina Mayor Toby Tiangco, Congressman John Rey Tiangco at ng San Miguel Corporation (SMC).

Sinimulan noong taong 2019, ang proyekto na gagastusan ng P57.4 bilyong piso ay lilikha ng 650-ektaryang lupa na tatayuan ng gusaling pang-industriya, komersiyo, pabahay at institusyunal na tugma sa pagkakaroon ng pasilidad na para sa daungan ng mga barko at pang-turismo.

Dito rin itatayo ang Airport Support Service dahil sa naturang lugar dadaan ang itatayong elevated expressway mula Maynila patungo sa itinatayong New Manila International Airport sa Bulacan.

Nito nga lang nakaraang linggo ay personal ni pinuntahan ni Mayor Toby Tiangco ang ginagawang pagsusuri ng konraktor ng SMC sa lupang pagtatayuan ng mga poste para sa itatayong elevated expressway sa kahabaan ng C3 Road patungo sa Coastal Bay.

Kinakailangan kasing isagawa muna ang pagsusuri sa lupa upang malaman ang komposisyon nito para maging matatag ang itatayong pundasyon ng elevated expressway.

Si Rep. John Rey naman na mauupo na bilang alkalde ay nagsabi na nasasabik na ang mga Navoteno sa napakalaking proyekto dahil magiging daan ito upang mai-angat ang kabuhayan ng maraming mamamayan at ekonomiya ng lungsod.

PAGKUKUMPUNI NG LAGUSNILAD

MALAKING tulong sana ang Lagusnilad sa tapat ng Manila City Hall para maging maluwag ang daloy ng mga sasakyan patungo sa Katimugang bahagi ng Lungsod ng Maynila pero dahil sa pagkasira ng naturang lagusan, nagiging masikip tuloy ang trapiko sa lugar.

Ang nakapagtataka, napakatagal na panahon ng kinukumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lansangan pero wala pa ring pagbabago at sa halip, lalu pang nasira ang pinakailalim ng lagusan kaya’t nai-imbudo ang mga dumadaloy na sasakyan.

Maliban pa rito, matagal na ring kinayod ang malaking bahagi ng lansangan para muling latagan ng bagong espalto pero nanatiling nakatiwangwang kaya’t hirap ang mga motorista, lalu na ang mga naka-motorsiklo na dumaan sa lugar dahil bukod sa madulas, malalalim pa ang mga lubak.

Sabi nga ng mga motorista, kung ipinaubaya siguro ng DPWH sa Manila City Engineering Office ang pagkukumpuni ng Lagusnilad, baka mataga ng naisaayos ang kalsada.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-3478363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE