Default Thumbnail

MC rider dedo, angkas sugatan sa QC

November 9, 2022 Melnie Ragasa-limena 223 views

NASAWI ang isang lalaki na nagmamaneho ng isang motorsiklo habang sugatan naman ang kaniyang angkas nang masalpok ng cargo truck sa isang intersection sa Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Ang biktimang nasawi ay nasa hustong gulang, rider ng Yamaha Mio Motorcycle, habang sugatan naman ang lalaking back rider nito, kapwa naninirahan sa Anonas, Quezon City.

Agad namang nadakip ang driver ng cargo truck na residente ng Luisiana, Laguna.

Sa report ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (DTEU), bandang 1:53 ng madaling araw (Nob. 9), nang maganap ang aksidente sa intersection ng G. Araneta Ave., at Ramon Magsaysay Bld., sa Bgy. Doña Imelda, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon nina PSSgt. Kris Tijap at PSSgt. Noel Tubal, binabaybay umano ng cargo truck ang kahabaan ng G. Araneta Ave., patungong N. Domingo St., habang ang mga biktima na sakay ng motorsiklo ay bumabagtas naman sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Blvd. galing sa V. Mapa St., papuntang Cubao.

Pagsapit sa intersection, sumalpok ang kanang bahagi ng truck sa harapan ng motorsiklo dahilan upang tumilamsik ang rider at back rider nito.

Namatay agad ang rider dahil sa grabeng pinsalang tinamo sa ulo at katawan habang isinugod naman sa UERM Hospital ang back rider nito.

Inihahanda na ang kasong damage to property with physical injury and homicide laban sa truck driver.