Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo nag-inspeksiyon sa North Cemetery

October 27, 2022 Edd Reyes 231 views

BILANG paghahanda sa nalalapit na Undas, personal na nag-inspeksiyon sina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto sa loob ng Manila North Cemetery Huwebes ng umaga.

Sa pagsasagawa ng inspeksiyon, napuna ng alkalde ang ilan pang dapat ayusin, kabilang ang kinakailangang paglalagay ng 60 portalets sa iba’t-ibang lugar sa loob ng 54 na ektaryang Kampo-Santo dahil sa inaasahang pagdagsa rito ng mula isa hangggang dalawang milyong katao na bibisita sa puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay.

“Kailangan din pong mailipat natin ang mga nagtitinda ng bulaklak, kandila at iba pang vendors sa lugar kung saan hindi sila makaka-abala sa mabilis na daloy ng mga taong magtutungo sa loob ng libingan,” pahayag pa ng alkalde.

Ayon sa kanya, simula sa Oktubre 29, ang pamunuan ng Manila North Cemetery, sa ilalim ni Director Rochelle Castaneda, ay magpapatupad ng “no face mask, no entry policy” kahit pa may umiiral na ordinansang nagpapahintulot na hindi na magsuot nito sa mga open space.

“Kahit po may utos na puwede ng hindi magsuot ng face mask sa mga open spaces, nakasaad din sa ating ordinansa na sa mga pagkakataon na maraming tao ay kinakailangan pa rin ang puwersahang pagsusuot ng face mask,” paliwanag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Sinabi niya na mamamahagi naman ng libreng face mask ang Manila North at South Cemeteries para sa mga hindi nakapagdala nito bilang proteksiyon na rin nila laban sa posibleng pagkalat ng virus.

Magkakaloob din aniya ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng libreng sakay sa loob ng Kampo-Santo subalit para lamang sa mga matatanda at mga persons with disability (PWDs) na bibisita sa puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay.

Iniutos din ng alkalde ang pagtatanggal sa mga nakasabit na tarpaulin at iba pang advertising signages na nakakadagdag sa hindi kaaya-ayang paningin at nakakapagpadumi sa kapaligiran.

“Batid po namin na excited na ang marami sa pagbabalik ng tradisyunal na Undas pero umaapela kami sa publiko na makiisa sa ginagawa naming preparasyon upang matiyak ang kaginhawahan at seguridad ng lahat ng magtutungo rito,” dugtong pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE