Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo binisita Bgy. 69

November 10, 2022 Edd Reyes 184 views

‘Kalinga sa Maynila’ inilapit sa Tondo

NAGKAROON ng pagkakataon ang mga residente sa Tondo District 1 na maibahagi ang kanilang katanungan at suliraning nararanasan nang isagawa nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto sa naturang distrito ang kanilang programang “Kalinga sa Maynila,” Miyerkules, Nobyembre 9, 2022.

Kasama nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo si 1st District Congressman Ernesto “Ernix” Dionisio, Jr. at mga pinuno ng iba’t-ibang departamento ng pamahalaang lungsod sa pagtugon sa mga inilatag na suliranin at katanungan ng mga dumalong mga Punong Barangay, Sangguniang Kabataan chairpersons, lider ng TODA (tricycle operators and drivers association), pangulo ng mga senior citizen, non-government organizations (NGOs) at residente na naninirahan sa Zone 6 at 7 sa Tondo.

Naging pangunahing paksa na ibinahagi ng mga dumalo sa pagpupulong ang tungkol sa kalusugan, kaligtasan, katahimikan sa kanilang barangay at komportableng pamumuhay.

Bilang isang doktora, ipinaliwanag ni Mayor Lacuna-Pangan ang kahalagahan ng pagpapatupad ng “referral system” na layuning maiwasan ang pagpapabalik-balik ng mga pasyente sa mga ospital bago matugunan ang kanilang pangangailangang medikal.

Dagdag pa ng alkalde, may mga sapat ng kagamitan ang mga health centers ng lungsod tulad ng laboratoryo para tugunan ang mga hindi malalang problemang pang-kalusugan na mga residente sa lungsod at dito na rin sila kukuha ng referral kung kailangan talagang magpagamot ng karamdaman sa mga pampublikong pagamutan.

Hinggil naman sa kakulangan ng ilaw sa mga madidilim na lugar at mga bukas na manhole na banta sa kaligtasan ng mga residente, tiniyak ni City Engineer Armando Andres na papupuntahan niya ang mga sinasbing madidilim na lugar at mga walang takip na manhole upang kaagad na magawan ng solusyon.

Maging ang mga nagkalat na asong gala na nagdugulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na ng mga bata, bukod sa nagkakalat din ang mga ito ng kanilang dumi sa lansangan ay tutugunan na rin ng lokal na pamahalaan matapos tiyakin ng alkalde na maglalaan sila ng karagdagang pondo para sa pambili ng sasakyan ng City Pound na iikot sa mga lansangan sa lungsod upang hulihin ang mga gumagalang aso.

Matapos pakinggan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga tanong at suliranin ng mga taga-Distrito 1, inikutan naman nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo ang bahay ng mga senior citizen na dumaranas ng karamdaman upang maghatid ng libreng konsulta, gamot, bitamina at gatas bilang isang “Door-to-Door Doktora”.

AUTHOR PROFILE