Default Thumbnail

Mayor Honey pangungunahan groundbreaking ng Lagusnilad rehab

May 1, 2023 Edd Reyes 192 views

PANGUNGUNAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang isasagawang groundbreaking ceremony para sa pagsisimula ng pagkukumpuni at rehabilitasyon ng Lagusnilad vehicular underpass sa harapan ng Manila City Hall Martes ng umaga.

Dahil dito, nag-abiso na ang Manila Public Information Office (MPIO) sa lahat ng mga sasakyang patungo sa Taft Avenue na gumamit ng alternatibong daan na ilalaan ng lokal na pamahalaan dahil pansamantala munang isasara sa daloy ng trapiko sa loob ng apat na buwan ang Lagusnilad simula Martes, Mayo 2, 2023.

Kamakailan ang ini-anunsiyo na rin ni Manila City Engineer Arman Andres na babalikatin na ng lokal ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng makasaysayang Lagusnilad vehicular underpass kahit na nasa ilalim ito ng pamamahala ng pambansang pamahalaan bilang isang “national road.”

Sinabi ni Engr. Andres na nagpasiya si Mayor Honey na maglaan ng sapat na pondo para sila na ang magsagawa ng rehabilitasyon ng Lagusnilad na matagal na rin namang pinabayaan umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dahilan upang umani ng napakaraming reklamo sa mga motoristang regular na dumaraan dito.

Ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng Lagusnilad ay nabimbin ng napakatagal na panahon matapos na simulan ito ng DPWH subalit sa hindi malamang dahilan ay itinigil diumano ang proyekto na naging sanhi ng araw-araw na pagsisikip ng daloy ng trapiko at panganib sa motorista.

Umaasa si Engr. Andres na matatapos nila ang rehabilitasyon at pagkukumpuni sa Lagusnilad hanggang sa buwan ng Setyembre ng kasalukuyang taon.

AUTHOR PROFILE