Default Thumbnail

Mayor Honey namahagi ng educational assistance sa mga mag-aaral

February 8, 2023 Edd Reyes 263 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso ang pamamahagi ng cash assistance sa may 935 na mag-aaral sa pampublikong paaralan sa lungsod Martes ng hapon sa San Andres Complex.

Sinabi ng alkalde na ito na ang ikalawang bugso ng pamamahagi ng tulong salapi sa ilalim ng Educational Assistance Program (EAP) ng lokal na pamahalaan na pinamamahalaan ng tanggapan ng MDSW.

Sinabi ni Fugoso na una ng nabahaginan ng cash assistance ng pamahalaang lungsod ang may 983 na mga estudyante ng pampublikong paaralan na isinagawa noong nakaraang taon sa naturan ding lugar.

“Napakasuwerte po kayo ngayong hapon na ito dahil nandidito po ang inyong pamahalaan upang makatulong sa inyong mga anak at mga apo, Ito po ay isang tulong na ibibigay ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa bawat isang batang Maynila para sa kanilang pag-aaral,” pambungad na pananalita ng alkalde.

Ang bawat isang mag-aaral mula sa iba’t-ibang pampublikong paaralan mula sa una hanggang ika-anim na distrito ng lungsod, kabilang ang mga mag-aaral mula sa Baseco, ay tumanggap ng P5,000 educational cash assistance bilang tulong sa kanilang pag-aaral.

“Ito po ay aming paraan para kahit papaano maibsan po ang inyong mga pangangailangan sa araw-araw na mga gawain ng inyong mga anak at apo sa loob ng kanilang paaralan. Bagama’t hindi po ito kalakihan, alam po namin na kahit papaano, makakatulong pa po ito para sa inyo,” sabi pa ng alkalde.

Pinaalalahanan naman ni Mayor Lacuna-Pangan ang mga magulang ng mga estudyante na huwag magsawang gabayan ang kanilang mga anak sa kanilang pag-aaral at gamitin ng wasto ang salapi sa pag-aaral ng kanilang anak at hindi sa “pambayad” ng kanilang utang o konsumo sa tubig at kuryente.

“Siguro kalaunan, in the future, lahat ng mga naibigay ninyo sa inyong mga anak, maibabalik din sa inyo, o higit pa. Huwag ho kayong magsasawa na maibigay ninyo sa kanila ang lahat ng kanilang mga pangangailangan dahil kami naman po dito sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, ay hindi rin kami magsasawa na kayo naman po ay tulungan,” sabi pa ng alkalde bago isagawa ang pamamahagi ng salapi.

AUTHOR PROFILE