MPD Katuwang ang kapulisan ng Maynila kabilang si P/Maj. Roderick Dismaya, hepe ng Paco PCP, DPS Manila City Hall, at ang buong suporta ni MPD chief Andre P. Dizon sa mga programa ng DILG para sa kaayusan at katiwasayan na direktiba ni Secretary Benhur Abalos Jr. Kuha ni Jon-jon Reyes

‘Ensure safety, participate, and cooperate’ suportado ng MPD

February 8, 2023 Jonjon Reyes 1285 views

SUPORTADO ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Andre P. Dizon ang programang “Ensure safety, participate, and cooperate” ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ni Secretary Benhur Abalos Jr. partikular na sa puspusang road clearing operations sa Mabuhay Lanes sa Lungsod ng Maynila.

Matatandaan na alinsunod sa kautusan ng DILG, pinaigting ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang clearing operations na personal na pinangasiwaan ni Special Operations chief Retired Col. Bong Nebrija.

Nabatid sa ulat ni P/Maj. Philipp Ines ng Public Information Office (PIO) na ipagpapatuloy ng MPD na mapanatiling maayos, malinis, at maluwag ang daloy ng trapiko sa Mabuhay Lanes.

Matatandaan kamakailan na isang barangay official ang pumalag umano sa mga ginagawang paglilinis at pagpapaluwag ng mga kalye sa kahabaan ng Dagupan Street sa Tondo.

Habang nagsasagawa nang paglilinis ang mga tauhan ng MMDA, naispatan ng kanilang grupo ang isang “car wash” na umano’y pag-aari ng isang punong barangay kahit na nagbigay na sila ng paalala para alisin ang mga nakahambalang na mga bagay o kagamitan sa mga daanan man ng tao o sasakyan.

Kaya’t nang tangkaing isakay ang mga gamit mula umano sa car wash ay dito na biglang sumulpot diumano ang opisyal ng barangay at hinarap ang mga crew ng MMDA clearing operation.

Naiulat na nagkaroon ng pagtatalo ang nasabing barangay official at ang mga tauhan ng MMDA habang inaalis ang nasabing mga gamit.

Nagkaroon umano ng sakitan at pinaunawa na lang ni Nebrija na nagkaroon ng konsultasyon o pagpupulong bago gawin ang operasyon sa nasabing lugar sa Tondo.

AUTHOR PROFILE