Default Thumbnail

Mayor Honey naglabas ng EO sa kalinisan, kaayusan ng mga bgy.

July 18, 2022 Edd Reyes 294 views

NILAGDAAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang isang kautusan na nag-aatas sa lahat ng mga opisyal ng barangay na magsagawa ng paglilinis at kaayusan na magiging repleksiyon sa kanilang pagkakaloob ng wastong serbisyo sa mga Manilenyo.

Sa ilalim ng Executive Order No. 9, ang Lungsod ng Maynila na nagsisilbi bilang kapitolyo ng bansa, ay dapat na manguna sa kalinisan, kagandahan at kaayusan na sasalamin sa mahusay na pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.

Nakasaad pa sa kautusan na lahat ng mga punong barangay, kagawad at iba pang opisyal at kawani ay nararapat lamang panatilihin ang panuntunan sa kalinisan sa kani-kanilang barangay at himukin ang lahat ng kanilang mga nasasakupan na tularan ang ganitong kaugalian.

Inaatasan ang mga ito na tanggalin ang lahat ng mga nakasabit na hindi na kailangan pang mga poster, tarpaulin, mga disenyong walang pakinabang at iba pang mga masasakit sa paningin sa paligid ng barangay hall habang pinapanatili ang kalinisan sa mga tanggapan at iba pang pasilidad.

Sinabi ni Mayor Honey na dahil ang araw ng Biyernes ay nakalaan bilang araw ng paglilinis sa lahat ng mga departamento, kawanihan at iba pang tanggapan sa gusali ng City Hall ng Maynila, ang mga opisyal ng barangay at kanilang empleyado ay nararapat lamang na tiyaking malinis din ang kanilang barangay hall, at pasilidad mula sa mga kalat bago magtapos ang oras ng kanilang panunungkulan.

Responsibilidad ng mga punong barangay na mahigpit na ipatupad ang ganitong panuntunan dahil ang kautusan ay epektibo kaagad sa araw na matanggap nila ang kautusan.

AUTHOR PROFILE