Default Thumbnail

Mayor Honey, nag-isyu ng direktiba sa paggamit ng paputok

December 27, 2022 Edd Reyes 233 views

Para sa ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon

NAGLABAS ng kautusan si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan kaugnay sa paggamit ng mga paputok at iba pang uri ng pycrotechnic upang maging ligtas ang bawat isa sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa kanyang apat na pahinang kautusan sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 58, Series of 2022, ang lahat ng uri ng mga paputok at pyrotechnics ay dapat na ilaan lamang sa wastong lugar sa bawat komunidad na may kaukulang permiso mula sa Bureau of Permits.

Tanging ang mga uri lamang ng paputok tulad ng baby rocket, bawang, maliit na triangulo, pulling of strings, paper caps, El Diablo, Juda’s belt, kwitis, na lahat ay may limitado lamang na pulbura at pyrotechnic devices kabilang ang sparklers, luces, jumbo, regular and special fountain, roman candle, trompillo, airwolf, whistle device, butterfly at iba pang uri ng “pailaw” ang papayagan lamang sa mga komunidad.

Ang paggamit, paggawa, pagbebenta at distribusyon ng iba pang uri ng paputok at pyrotechnic na hindi nabanggit sa mga pinapayagan tulad ng Super Lolo, the Atomic, Big Triangulo, Mother Rocket, Lolo Thunder, Five Star, Og, Pla-pla, pillbox, watusi, Piccolo, giant whistle bomb, big Judah’s belt, large bawang, Goodbye Philippines, Goodbye earth, Bin Laden, Coke in Can at iba pang magdudulot ng panganib sa buhay at ari-arian ay mahigpit na ipagbabawal.

Sa panahon ng pagsasagawa at pagkatapos ng fireworks display, ang bibigyan ng permiso ang dapat na may responsibilidad upang maging ligtas ang lahat sa pamamagitan ng pagtalima sa mga panuntunan tulad ng pagkakaroon ng naka-stand by na firetruck at lima kataong magbabantay sa mga tamang lugar mula sa pagdarausan ng fireworks display na silang aakto upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakuna.

Kabilang pa sa mga alituntunin kung ano ang dapat at hindi nararapat sa pagpapaputok o fireworks display ay nakasaad pa rin sa kautusan tulad ng hindi na nararapat pang damputin ang mga paputok na sinindihan subalit hindi pumutok.

Kailangang gumamit ng walis na may mahabang stick at dustpan para kuhanin ang mga hindi pumutok na firecrackers at ilagay sa wastong lalagyan tulad ng drum o lalagyan ng basura.

Nilagdaan ni Mayor Lacuna-Pangan ang naturang kautusan nito lamang Disyembre 16, 2022 na pinatotohanan ni Atty. Marlon Lacson, ang kasalukuyang kalihim sa tanggapan ng alkalde.

AUTHOR PROFILE