Default Thumbnail

Kelot nagbigti matapos makipagtalo sa live-in partner

December 27, 2022 Jonjon Reyes 213 views

MATAPOS na magkaroon ng mainitang pagtatalo at pag-aaway umano ng maglive-in partner, tinapos ng isang 22-anyos na lalaki ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti nito sa loob ng kanilang tahanan sa Baseco Compound, Port Area, sa Maynila madaling araw nitong Martes.

Ang biktima ay pawang residente ng nasabing lugar.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Jorlan Taluban kay Police Capt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, pasado 12:05 ng madaling araw (Disyembre 27), nang madiskubreng patay ang biktima na paupo na nakatali ang leeg sa wooden wall ng kanilang tahanan.

Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, nagkaroon ng diumano ng pagtatalo ang biktima at ang kinakasama nito sa mismong araw ng Pasko.

Ayon sa isang saksi, nagsabi ang biktima na matutulog lang ito ng ilang oras bago ito pumasok sa trabaho.

Gayunman, inabot na ng madaling araw, pero hindi pa rin umano lumalabas ng bahay ang biktima, kaya kinatok na ito ng nasabing saksi ngunit hindi ito tumutugon.

Humingi na ng tulong sa ilang kapitbahay ang saksi, hanggang puwersahan nilang buksan ang pinto at tumambad ang wala nang buhay na biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung may foul play sa insidente habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya sa bangkay sa pinagdalhang morgue.

AUTHOR PROFILE