Default Thumbnail

Maynila, naglabas resolusyon ng pagbati sa PLM CPA topnotcher

June 3, 2023 Edd Reyes 187 views

NAGKAISANG ipinasa ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang isang resolusyon na naglalayong bigyang papuri si Feliz Victoria G. Caneza ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na nakakuha ng ika-apat na puwesto sa 2023 Certified Public Accountant (CPA) Licensure Exam.

Nakasaad sa resolusyong na inakda ni 6th District Councilor Carlos “Caloy” Castañeda ang pagbati kay Caneza bunga ng kahanga-hangang pagpapamalas ng katalinuhan matapos makuha ang 88.83% rating sa pagsusulit na nilahukan ng 7,376 na estudyante kung saan 2,239 o 30.36% lamang ang nakapasa.

“The whole City Council should commend Ms. Feliz Victoria Garrido Cañeza, CPA, for bringing honor and prestige not only to PLM, but to the entire City of Manila” pahayag pa ni Castaneda sa pagtataguyod sa resolusyon.

Ang PLM ay isang pamantasang may sariling instrumento na pinondohan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Isinagawa ang naturang pagsusulit mula Mayo 21 hanggang 23, 2023 sa iba’t-ibang lugar sa bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR).

Nagbigay papuri naman ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto na siyang presiding officer ng Konseho sa PLM bunga ng mataas na kalidad ng edukasyong ipinagkakaloob nila sa mga estudyante, bagama’t nalugod din siyang tunay sa ipinamalas ni Caneza sa nakaraang pagsusulit.

Nakalinya ang resolusyon sa itinutulak ng liderato ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na mapagkalooban ng inspirasyon at mahimok ang mga kabataan sa Maynila na makamit ang kanilang napiling karera.

AUTHOR PROFILE