Paul Gutierez

Matindi ang bakbakan sa Albay sa 2025!

April 9, 2024 Paul M. Gutierrez 117 views

“MAGSASAGUPA” ang mga kilalang pangalan sa larangan ng pulitika sa Bicol, partikular sa agawan ng upuan para sa kapitolyo ng Albay, mga kabayan.

Maaga pa lamang kasi ay tatlo na ang “lumutang” na pangalan na naghahangad maangkin ang trono ng kapitolyo.

Siyempre, siguradong tatakbo para sa reeleksyon ang kasalukuyang gobernador na si Edcel “Greco” Lagman, anak ng beteranong mambabatas na si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman.

Si Greco ay two-term vice governor at naluklok matapos mapatalsik ng Comelec si noo’y Gov. Noel Rosas dahil sa umano’y kaso ng vote buying. Isang abogado ang batang Lagman na dati rin kongresista ng unang distrito ng Albay mula 2013 hanggang 2016.

Bago napunta sa Albay, pambihira rin ang record niya bilang konsehal ng Quezon City kung saan siya ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa buong lungsod sa mga tumakbong konsehal noong 2004.

Na-reelect siya noong 2007 at 2010 sa ikaapat na distrito ng lungsod kung saan ay muli siyang nanguna sa kanyang huling termino.

Naghayag na rin ng pagbabalik si Rosal upang agawin ang trono na ilan buwan lamang niyang inokupa. Napatalsik siya September 2022 o ilan buwan lamang makalipas ang 2022 elections.

Nasa 8 taon nagsilbing mayor ng Legazpi City mula 2001 hanggang 20210 si Rosal at 2013 hanggang 2022. Bigatin at kilalang pangalan din ang inagawan ni Rosal ng trono sa kapitolyo noong 2022 sa katauhan ni dating Gov. Al Francis Bichara.

Dati rin three-term governor si Bichara mula 1995 hanggang 2004 at three-term congressman sa 2nd district ng probinsiya mula 2007 hanggang 2016.

Itinalaga naman siya ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang ambassador sa Lebanon noong 2007. Wala pang pahayag si Bichara kung may balak pang bumalik sa kapitolyo.

Ang isa pang bigating pangalan sa Albay ay si Rep. Joey Salceda ng ikalawang distrito.

Magtatapos ang kanyang three-term sa Kongreso sa 2025 at matunog na isa sa hahamon sa incumbent governor, ganern?

Maganda rin ang record ni Salceda sa larangan ng pulitika dahil dati rin siyang three-term governor ng lalawigan mula 2007 hanggang 2016, at kinatawan naman ng ikatlong distrito ng lalawigan mula 1998 hanggang 2007. Kumbaga, undefeated itong si Salceda sa lalawigan.

Kung titingnan, Bicol Press Club president Ruel Saldico, halos iilan lang ang “mukha” na nagpapalitan sa mga posisyon sa pulitika sa Albay – mapa-gobernador o kongresista. Tila yata iilan ang interesado o iilan lamang talaga ang pagpipilan?

Kunsabagay, mahigit isang taon pa bago ang 2025 elections. Hindi natin masabi na baka mayroon pang ibang mukha at pangalan ang lumutang para makipag-agawan sa trono sa kapitpolyo.

Isa lamang ang natitiyak natin. Kung matutuloy ang karambola ng mga sikat na pangalan sa Albay, isa sa kanila ang makakatikim ng pagkatalo at mamamantsahan ang malinis na record.

Ngunit, ang mas mahalaga ay pumili ang mga Albayanon ng sadyang karapat-dapat na mamuno sa kanilang lalawigan para sa mas higit na ikauunlad at ikagiginhawa ng buhay ng mga mamamayan.

Oops! Sa Hunyo 6 gaganapin ang ‘Second Bicol Social Media Summit’ d’yan sa Albay kung saan magiging kabahagi, bilang ‘official national government partner’ ang ating ahensiya, ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).

Inaasahang aabot sa 600 na pawang mga kasapi ng media sa buong Bicol ang dadalo kaya hindi tayo magtataka kung marami rin sa mga pulitiko ang mag-volunteer na ‘sponsor,’ hehehe.

Paunang pasasalamat natin kay Gov. Lagman sa kanyang aktibong partisipasyon sa napakalaking media event na ito sa rehiyon.

Translation? Magkita-kita, magsama-sama tayo mga ‘Oragon’ sa Hunyo 6!

Abangan!

AUTHOR PROFILE