Masaya at mabungang Bagong Taon Sa Ating Lahat!
KAMAKAILAN ay isang pakete na naglalaman ng ipinagbabawal na gamot ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BoC-NAIA).
Ang nasabing pakete, na galing ng France sa Europa, ay naglalaman ng anim na stuffed toys at 5,032 piraso ng tabletang ecstasy na nagkakahalaga ng P8.55 milyon.
Nang buksan ng mga otoridad ang pakete ay nakita nila ang mga kulay pink na ecstasy sa loob ng isang kahon.
Kaya nga noong hapon ng Disyembre 21 ay nagsagawa ang mga government operatives ng isang controlled delivery operation sa Barangay Dita, Sta. Rosa, Laguna.
Dito nila inaresto ang babaeng claimant ng pakete na nagpakita ng isang pekeng identification (ID) card “bearing the consignee’s name,” ayon sa report.
Ang mga operatiba ay mga tauhan ng BoC -NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG).
Ang BoC-NAIA, na pinamumunuan ni District Collector Carmelita “Mimel” C. Manahan-Talusan, ay pursigidong pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga iligal na droga.
Ito ay pagtalima sa marching order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kay Commissioner Yogi Filemon Ruiz na patigilin ang ismagling sa bansa.
Lalo na ang mga ipinagbabawal na gamot, kagaya ng shabu, at produktong agrikultura.
Congrats muli sa mga taga-BoC-NAIA, IADITG at PDEA, ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board.
***
Sinasamantala ng mga ismagler ang kakulangan ng sibuyas sa bansa.
Ang gusto nila ay kumita ng limpak-limpak na salapi sa maikling panahon sa pamamagitan ng panloloko sa gobyerno at taumbayan, lalong-lalo na sa mga kawawang magsasaka.
Pero kaysa kumita ng malaki, madalas luhaan sila dahil laging nasasakote ng BoC at partner government agencies ang kani-kanilang mga kontrabando.
Noon ngang nakaraang Disyembre 21, ay nakakumpiska ang Port of Cagayan de Oro ng dalawang containers na punong-puno ng mga puslit na red union.
Tumitimbang ng 50,000 kilograms ang mga puslit na sibuyas at nagkakahalaga ng P20 milyon.
Ang dalawang containers ay ineksamin sa Mindanao Terminal Port, PHIDIDEC Compound, Togoloan, Misamis Oriental. Naglalaman daw sila ng “bread and pastry products.”
Ang eksaminasyon ay isinagawa sa harap ng mga representante ng Department of Agriculture (DA), PDEA-10 at Chamber of Customs Brokers, Inc.
Ang kargamento, na galing ng China at naka-consigned sa Asterzenmed, Inc., ay dumating sa Mindanao Terminal Port noon pang Disyembre 6 (Martes).
Nagwarning muli si District Collector Alexandra Lumontad sa mga unscrupulous trader” na huwag na nilang tangkaing magpuslit ng mga kontrabando.
Galit na galit sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa mga taong “defrauding the government of lawful revenues.”
Hindi kayo titigalan ng BoC.
***
Sa Sabado ay unang araw na ng 2023.
Maraming mabibigat na problema at pagsubok ang pinagdaanan nating lahat, kabilang na rito ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng lahat na yata ng mga bilihin.
Lalo na ang pagkain, gasolina at iba pang produktong petrolyo, at marami pang essential commodities.
Nandiyan pa rin ang banta ng coronavirus disease (COVID-19) na nagpahirap sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas, nitong nakaraang dalawang taon.
Pero naniniwala tayo na gaganda na ang sitwasyon nitong 2023 dahil kayang-kaya pala nating bumangon sa ating pagkakalugmok.
Ang kailangan lang natin ay pagkakaisa, pagtutulungan, pag-iingat at suporta sa gobyerno para mapabilis ang ating pagbabalik sa dati nating normal na pamumuhay.
Walang puwang ang iringan at pagkawatak-watak dahil napakarami nating problema.
MASAYA AT MABUNGANG BAGONG TAON SA ATING LAHAT!
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected].)