Default Thumbnail

Magparehistro na ng SIM cards

December 28, 2022 Allan L. Encarnacion 452 views

Allan EncarnacionPINAGAAN ng Globe ang buhay naming mga post paid sa sistema ng SIM card registration. Hindi na kami kailangang magpakahirap para makapagparehistro.

Nag-text na sa akin ang Platinum manager ko para sabihing pre-registered na kami sa data system nila pero tatawagan nila ulit ako kung may mga changes sa mga detalye na nauna ko nang naibigay sa kanila.

Nasa 20 taon na ata ako sa Globe kaya puwede ko namang sabihing happy naman ako sa serbisyo nila.

Malaking bagay sa ating lahat itong SIM cards Registration Law para hindi na tayo binubuliglig ng mga scam at spam text messages.

Kaming mga post paid, hindi naging problema ng pamahalaan dahil mula’t mula naman ay may detalye kami sa service provider. At wala naman sigurong postpaid ang nagtangkang magtayo ng sindikato gamit ang kanyang telco plan. Ang malaking problema natin ay ang tulisang prepaids na ang iba ay namamakyaw ng SIM cards kahit sa bangketa tapos mamiminsala ng kapwa.

Marami namang matitino na prepaid users pero marami ring ang walanghiya.

Ang sinasabi ay nasa 10% lamang ang postpaid, ibig sabihin, 90% ng SIM na nasa labas ay prepaids. Ang totoo, mas marami na ang SIM cards kaya sa populasyon ng ating bansa na nasa 110 milyon lang. Ang balita, nasa 150 million ang gumagalang SIM cards.

Nagbigay ng sapat na panahon ang Implenting Rules and Regulations para makapagparehistro ang lahat. Nasa 180 days ang ibinigay na allowance ng batas para lahat tayo ay makapagparehistro.

Ibig sabihin, by June 23, 2023, dapat lahat tayo ng SIM cards ay nakarehistro na.

Kauna-unahan itong batas laban sa mga walanghiya at proteksiyon naman sa mga matitino.

Kinailangan nang gumawa ng ganitong batas ang estado na ang unang layunin ay hindi magamit ng mga terorista bilang bomb detonator ng mga cellphone na kargado ng uregistered SIM card.

Marami nang insidente dito sa atin na ginamit ang telopono para makapagpasabog ng bomba. Pero natabunan ng anti-terrorism angle ang layunin kasi nga mas naging matindi ang scamming sa marami nating mga kababayan.

Nariyan ang identity theft, credit cards scam, online banking scam at mga text blast na gumagambala sa ating lahat.

Gusto nating makakita ng mga tao na makukulong dahil sangkot sa scam gamit ang SIM card. Sobra na sila dahil inabusa na ang modern technology para wasakin ang buhay at kabuhayan ng mga inosente nating kababayan na nagpapawis ng dugo para kumita tapos nanakawan lang ng mga bandido.

Sa ibang bansa, lalo na sa Amerika, kapag bumili ka ng SIM card, ang una sa mga requirements ay passport or driver’s license. Bagama’t bilang turista ay wala ka namang balak mang-scam, may iba pa rin kasing SIM buyer na masama ang plano. Pero nagpapasakop sa kanilang security arrangement dahil sa pagsusumite mo ng mga legal documents.

Tama rin ang batas na ito para matigil na ang bangketa SIM cards na sa halagang P30.00 ay makakabili ka na.

Tama na, sobra na, magparehistro na tayong lahat!

[email protected]