Nakaw

Masahe sabay nakaw

June 4, 2023 Edd Reyes 254 views

PINAKAWALAN ng pulisya ang isang transgender na nadakip sa kasong pagnanakaw sa isang dayuhang Amerikano makaraang iurong ng biktima ang reklamo sa Makati City.

Sa natanggap na ulat ni P/BGen. Kirby John Kraft, Director ng Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente ng pagnanakaw Mayor 20 sa loob ng Unit 2711 City Garden Grand Hotel sa kanto ng Makati at Kalayaan Avenue dakong 7 a.m.

Napag-alaman na nag-alok umano ng serbisyo bilang masahista ang transgender sa dayuhang Amerikano hanggang magkasundo silang mag-check in sa naturang hotel upang doon isagawa ang pagmamasahe.

Nang makatulog na ang dayuhan, tinangay umano ng suspek ang kanyang mamahaling cellular phone at wallet na naglalaman ng salapi, automated teller machine (ATM) at ilang credit cards.

Sa kuha ng close circuit television (CCTV) camera ng naturang hotel, nakita ang dalawa nang mag-check in subalit mag-isa na lamang lumabas ang transgender na sumakay pa sa elevator at tuloy-tuloy na lumabas ng pintuan na hindi na nasita pa ng nakatalagang security guard.

Matapos maghain ng reklamo sa pulisya ang dayuhan, kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni P/Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati Police, hanggang matunton at madakip ang suspek sa pinagtaguang bahay sa Antipolo City.

Nabawi rin ng pulisya sa transgender ang lahat ng mga kinulimbat sa dayuhan kaya’t nagpasiya ang biktima na huwag ng ituloy ang paghahain ng kaso laban sa suspek lalu na’t nakatakda na rin siyang bumalik sa kanilang bansa.

AUTHOR PROFILE