Kulong

Kuya na-‘L’, tinangkang gahasain naliligong kapatid

June 4, 2023 Melnie Ragasa-limena 297 views

HIMAS rehas ang isang 24-anyos na lalaki matapos umanong pagtangkaang gahasain ang kaniyang nakababatang kapatid na babae nitong Huwebes sa lungsod Quezon.

Sa report ng Pasong Putik Police Station (PS 16), nangyari ang insidente 3 p.m. sa bahay ng magkapatid sa Brgy. Pasong Putik.

Naliligo ang biktima nang mapansin niya na nakatingin sa kaniya ang kaniyang kuya.

Agad tinawag ng babae ang kaniyang ina at nagsumbong.

Umalis naman agad ang suspek matapos masita ng kanilang ina. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay bumalik ito at pinasok ang banyo kung saan ay naliligo pa rin ang biktima.

Diumano ay pinagsamantalahan ng suspek ang kaniyang kapatid ngunit nagawang pumalag ng biktima at nakasigaw ng tulong.

Napigilan ang tangkang panggagahasa ng suspek matapos sumaklolo ang kanilang mga kamag-anak.

Agad na dinala ang suspek sa Pasong Putik Police Station (PS 16) at kinasuhan ng attempted rape in relation to R.A. 7610 or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Quezon City Prosecutor’s Office.