Default Thumbnail

Mangingisda, magsasaka nangangamba sa food security ng bansa

March 8, 2022 People's Tonight 520 views

DAHIL sa mga hinaing na idinulog sa kanya, mas lumakas pa ang kagustuhan ni Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson na maiayos ang sistema sa pamamahagi ng pondo sa agrikultura, para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na hirap na dahil sa kakulangan ng suporta na kanilang natatanggap.

Natuklasan ni Lacson ang mas malinaw na imahe na pinagdaraanan ng mga nasa sektor ng agrikultura sa kanyang pag-iikot sa mga probinsya ngayong kampanya. Marami aniya sa kanila ang malapit nang sumuko dahil sa mataas na presyo ng langis at pataba, kakulangan sa puhunan, mababang bentahan ng palay at problema sa patubig.

Maging si dating Agriculture Secretary at senatorial aspirant Emmanuel ‘Manny’ Piñol ay nagpahayag na tila hindi seryosong napag-uusapan sa ating bansa ang lagay ng mga nasa sektor ng agrikultura gayong ito aniya ang isa sa makatutulong para makabangon ang ating ekonomiya.

“Doon nga lang sa ginawang last debate, nagreklamo ako pagkatapos sapagkat sa apat na oras na debate namin, dalawang beses lang akong nagkuwento about agriculture. ‘Yung opening statement ko lang at saka closing statement,” ayon kay Piñol.

Dagdag niya, mas tumagal pa umano ang pagtalakay hinggil sa giyera sa labas ng bansa, imbes na ang pagtutok para sa laban sa seguridad sa pagkain at kaligtasan na kayang masolusyonan ng sarili nating lakas paggawa.

“This is actually a symbolism of how we have relegated agriculture to the back burner. At hindi na natin pinapansin masyado in spite of the fact that right now,ang problema ng ating taumbayan napakamahal ng pagkain, very scarce ang food supply, pero may mga areas na napakamura ng pagkain,” ayon pa kay Piñol.

Isa sa mabilisang solusyon ni Lacson hinggil dito ay ang pagkonekta sa mga magsasaka at mangingisda sa mga produkto na mula sa pag-aaral ng University of the Philippines-National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH).

“Mayroon po kaming inilagak na pondo doon sa UP Biotechnology sa UP Los Baños. Noong napasyal po kami ni Senate President (Tito Sotto) doon ipinakita sa amin ‘yung kanilang research and development, may mga finished product na sila doon, hindi lamang binhi kundi pati pataba, organic, at sila’y nagma-marketna ngayon. So, again, willing po sila na pumunta sa mga lugar na gusto nilang serbisyuhan,” lahad ni Lacson sa ginanap na forum kasama ng mga magsasaka sa Daet, Camarines Norte.

Sa kanilang pangangampanya, nakatuon ang atensyon nina Lacson at Sotto sa pakikinig sa mga hinaing at suhestiyon ng iba’t ibang sektor, lalo na ang mga nasa pampublikong transportasyon at agrikultura.

Dito, tumambad ang mas malalang sitwasyon ng food security sa bansa na nais nilang solusyonan sa pamamagitan ng tamang pagpapatupad ng mga batas at pamamahagi ng pondong inilaan para sa mga magsasaka at mangingisda.

Siniguro ni Lacson sa harap ng mga nakausap niyang magsasaka at mangingisda na sa kanyang pamumuno ay maayos nang maiimplementa ang Free Irrigation Act na kanyang inakda, upang makapagpatayo ng mga pasilidad para sa irigasyon. Kasabay nito ang pamamahagi ng pataba at punla mula rin sa mga nabuong pag-aaral ng mga eksperto sa agrikultura.

Kabilang rin sa mga ipinangako nina Lacson at Sotto ang direktang pagbili ng pamahalaan sa mga ani at produkto ng mga magsasaka at mangingisda upang hindi na sila mahirapang magbenta at maihatid pa ito sa malalayong lugar sa bansa.

Makakaya aniya ito, lalo’t kasama sa kanilang misyon ang pagsugpo sa katiwalian sa sektor ng agrikultura. “Under my leadership, there will be an end to the cycle of abuse, poverty, and food insecurity among our food providers, our farmers and fisherfolk,” pahayag ni Lacson.

Matatandaan na si Lacson ang nagbuking ng iba’t ibang mga kaso ng katiwalian sa agrikultura tulad ng fertilizer scam, mga kickback sa farm implements, at ang “tong-pats” sa pag-import ng produktong agrikultural.

AUTHOR PROFILE