Default Thumbnail

Mangingisda dedo sa pamamaril sa Malabon

October 17, 2022 Edd Reyes 243 views

BLANGKO ang pulisya sa motibo ng pamamaslang sa isang mangingisda na pinagbabaril ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang salarin Lunes ng madaling araw sa Malabon City.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, nakaupo sa gilid ng bangketa sa All Women’s Club Street sa Bgy. Hulong Duhat ang biktima, residente ng Bgy. Navotas West, dakong alas 12:10 ng madaling araw nang lapitan ng dalawang lalaki at kaagad na bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang isa bago pinaputukan ng sunod-sunod ang biktima sa ulo at katawan.

Matapos ang pamamaslang, mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa M. Naval St. Bgy. Hulong Duhat habang isinugod naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station-7 ang biktima sa Ospital ng Malabon subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan.

Sinabi naman nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Diego Ngippol, mga imbestigador na may hawak ng kaso, na nakakuha ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng apat na basyo ng bala, isang depormadong tingga at isang metal jacket mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa lugar na pinangyarihan ng pamamaslang.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-7 subalit nabigo silang makilala at madakip ang dalawang salarin.

AUTHOR PROFILE