4-5M katao inaasahang dadagsa sa Maynila
Sa araw ng Undas, pampublikong sementeryo
INAASAHANG ng mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) na aabot sa apat hanggang limang milyong katao ang magtutungo o dadalaw sa kanilang mga namapayapang mahal sa buhay na nakahimlay sa apat na sementeryo na sakop ng Lungsod ng Maynila, halos dalawang taon na pagsasara nito dahil sa panganib na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa ulat ng pamunuan ng apat na sementeryo na kinabibilangan ng Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, La Loma Cemetery, at Chinese Cemetery, posible umanong dagsain ang mga ito dahil sa pagkasabik ng publiko na mabisita ang mga namayapang kaanak mula sa mismong araw ng All-Saints’ Day at All Souls’ Day.
Inaasahan din na karamihan sa kanila ay mas maagang magtutungo sa mga sementeryo at ito’y magsisimula sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Sa inilabas na paalala ng Manila local government unit, simula Okt. 28 hanggang Nob. 2 ay hindi papayagang makapasok sa Manila North at Manila South Cemetery ang mga bata na 12 taong gulang pababa kung hindi pa sila bakunado.
“Bago tayo makapasok sa main gate, mayroon na tayong inspection area na nandoon yung ating mga kapulisan sila na yung nakatalaga o naka-assign para mag-inspect ng vaccine card. At the same time, sila na rin ang magbabantay sa gate kung bata po hindi talaga papapasukin, iho-hold na sila doon,” ani Roselle Castaneda, Officer-in-Charge (OIC) ng Manila North Cemetery.
Ayon naman kay MPD Director Police Brig. Gen. Andre P. Dizon, maglalagay at magtatalaga ng mahigit sa 700 na mga pulis-Maynila simula Okt. 28 subalit pagdating ng Okt. 29 hanggang Nob. 1-2, ay itataas na ito sa 1,500 pulis na magbabantay sa loob at labas ng mga sementeryo.
Mahigpit din ipinagbabawal ng MPD ang magdala ng mga patalim, baril, at anumang matutulis na bagay. Bawal din ang flammable materials, alak, mga bagay na lumilikha ng malalakas na ingay at bawal ding magsugal sa loob ng sementeryo.
Bubuksan ang mga sementeryo sa mga nabanggit na petsa mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 lamang ng hapon. Pinababatid din na hindi pinahihintulutan ang mag-overnight sa mga sementeryo.
Bagama’t “open space” ang sementeryo, hinihikayat ng pamunuan na magsuot pa rin ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay at mag-disinfect ng alcohol, at sumunod sa mga health protocols na pinaiiral sa mga libingan.
Ayon pa kay Dizon, unang linggo pa lamang ng Oktubre ay nagsasagawa na sila ng “Oplan Galugad” sa loob ng mga sementeryo upang maiwasan na pamugaran ng mga criminal tulad ng holdaper, snatcher, at iba pa sa mga sementryo na sakop ng Lungsod ng Maynila.